KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
MAY matinding dahilan si John Arcilla na sabihing sana ay pagdiriwang lang ang gawin sa mga araw na ito. After all, nagwagi siyang Best Actor sa Venice International Film Festival kamakailan para sa pagganap n’ya sa On The Job: The Missing 8, ang nag-iisang official entry ng Pilipinas sa nasabing festival.
Parang siya ang kauna-unahang Pinoy na nagwagi ng best actor sa A-list na Venice International Film Festival.
Pero matindi rin ang pagdadalamhati ni John sa sunod-sunod na pagpanaw ng kanyang mga kapamilya nitong pandemya.
Una na rito ang kanyang ama na pumanaw noong 2020 at sumunod naman ang kanyang kuya na pumanaw dahil sa heart failure nito lamang June 14.
Nitong linggo lang, pumanaw ang kanyang kapatid na si Teresa Arcilla dahil sa COVID-19.
Sa solo press conference ni John na inayos ng Star Magic para sa kanyang upcoming series na On The Job: The Missing 8, inamin ni John na natakot na magpa-swab test ang kanyang kapatid at ma-confine sa ospital dahil sa mga “negative na sinasabi” tungkol sa quarantine facilities ng COVID-19 patients.
Ayaw man manisi ni John ng sinumang tao sa pagpanaw ng kanyang kapatid pero naniniwala siyang naging biktima ito ng “social injustice.” (Actually, sinabi na rin noon ng aktor na si Gardo Versoza na nakaririndi at nakade-depress ang mga usap-usapan, haka-haka sa tunay na buhay at social media tungkol sa Covid.)
Mangiyak-ngiyak si John na naglabas ng sama ng loob sa pagkamatay ng kapatid lalo pa’t sa kabila ng pandemya ay mayroon ngang nawawalang bilyon na sana raw ay naipambili na ng mas maayos na mga gamot at facilities para sa mga pasyente ng COVID-19.