IPINATATAWAG ng Senate Blue Ribbon Committee ang mag-asawang kasosyo ni dating presidential economic adviser at Pharmally Pharmaceutical Corporation financier Michael Yang upang alamin ang koneksiyon sa illegal drug trade.
Inisyu ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon ang subpoena laban kina Lin Weixiong at asawa nitong si Rose Nono Lin, sinabing kasosyo ni Yang.
Pinaniniwalaang si Lin Weixiong ay si Allan Lim na sinabing kasama ni Yang sa pagpapasok ng shabu sa Filipinas, batay sa intelligence report ni dating police Col. Eduardo Acierto.
Naunang tinangkang isilbi ang subpoena sa mag-asawang Lin ni Blue Ribbon Committee oversight office management director-general Roolfo Quimbo ngunit sinabi umano ng guwardiya sa kanilang inilistang office address na Warehouse Eight sa La Fuerza Makati compound, na walang opisina roon ang mga Lin.
Base sa natanggap na liham ng Blue Ribbon committee mula sa abogado ni Rose Nono Lin, dapat ihatid ang subpoena sa address na #747 Quirino Highway, Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, tila may ambisyong tumakbong kongresista sa 5th District ng Quezon City si Rose Nono Lin batay sa mga nagkalat na tarpaulin niya sa lugar, bukod sa aktibo rin siya sa social media.
Napaulat sa Rappler na ang mga Lin ay nagtayo ng POGO firm na Xionwei Technology Company kasama si Yang noong Agosto 2016.
Si Rose Nono Lin ay incorporator o opisyal ng pitong kompanya ni Yang at tatlo rito’y siya ang presidente.
Natuklasan sa Senate hearing kahapon na si Yang ang nagpaluwal ng bilyon-bilyong piso para tustusan ang mga kontratang nasungkit ng Pharmally para sa medical supplies mula sa Procurement Service -Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ipinasusumite ng mga senador ang lahat ng mga dokumentong may kaugnayan sa nakuhang kontrata ng Pharmally matapos mabistong hindi lahat ay nasaklaw ng 2020 audit report ng Commission on Audit (COA) na sa pangkalahatan ay umabot sa P12-B o ¼ ng P42-B pondo ng Department of Health (DOH) na ipinasa sa PS-DBM.
Ibinunyag ng isang dating opisyal ng PS-DBM na inutusan siyang pirmahan ang inspection documents ng CoVid-19 items mula sa Chinese suppliers bago ang aktuwal at delivery nito sa bansa.
“This is not the normal procedure, your honor,” ani Mendoza.
Binusisi rin ng mga senador ang kuwestiyonableng napakabilis na transaksiyon ng Pharmally kay dating PS-DBM head Lloyd Christopher Lao para sa pag-supply ng CoVid-19 items kahit walang hawak nito at walang puhunan ang kompanya. (ROSE NOVENARIO)