NADAKIP ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang drug peddler na nakompiskahan ng kulang sa kalahating milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation sa lalawigan ng Tarlac, nitong Martes ng gabi, 31 Agost0.
Sa ulat mula kay P/Col. Renante Cabico, provincial director ng Tarlac PPO, nagkasa ang magkasanib na puwersa mga operatiba ng PDEU, Tarlac PPO at Tarlac City Police Station ng buy bust operation sa Road 2, San Sebastian Heights Subd., Brgy. San Vicente, sa naturang lungsod.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Cherry Cardenio, 49 anyos, may-asawa, residente sa nabanggit na lugar.
Nakompiska kay Cardenio ang 13 selyadong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalaang shabu na tinatayang may timbang na 62 gramo at may Dangerous Drug Board (DDB) value na P421,600; limang pirasong P1,000 bill na ginamit bilang marked money; digital weighing scale; at cellphone.
Inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)