NAHULI ng mga operatiba ng Muntinlupa City Police Drug Enforcement Unit (DEU) ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000 sa isang lalaki nang isagawa ang buy bust operation sa lungsod, nitong Miyerkoles, 25 Agosto.
Kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek na si Ronnie Rivera y Maranan, alyas Bayag, 41, ng Muntinlupa City.
Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD) nagkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ng SDEU laban sa suspek sa Purok 6, Brgy. Cupang sa naturang lungsod, dakong 6:30 pm nitong Miyerkoles.
Nasamsam sa suspek ang isang maliit at tatlong pirasong medium plastic sachet na naglalaman ng shabu at tatlong P100 bill, ginamit bilang buy bust money.
Dinala sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis ang nakompiskang habu.
“Sa gabi-gabing pag-iikot ng pulisya habang kayo ay natutulog sa inyong mga tahanan ay nangangahulugan ng kapayapaan sa lugar ng ating nasasakupan. Hinding-hindi mapapagod ang inyong pulisya sa pagbibigay ng maayos na serbisyong tama, upang mapigilan ang lahat ng masasamang binababalak ng iilan na gustong palaganapin ang ipinagbabawal na gamot sa ating bayan at pamayanan,” pahayag ni SPD chief, MGen. Jimili Macaraeg. (JAJA GARCIA)