MAY inihandang premyo sa isasagawang raffle si Pasay city mayor Emi Calixto – Rubiano para mahimok magpabakuna ang ilang senior citizens at mga may comorbidities.
Sa idinaos na virtual town hall meeting nitong Martes, tinalakay ang banta ng Delta variant na maaaring makapinsala sakaling makapasok sa lungsod.
Dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang barangay, city hall departments, at ilang tanggapan, at inianunsiyo na kasali sa raffle ang mga senior citizens na nakakompleto na ng bakuna.
Bukod dito, may hiwalay na raffle din sa mga barangay na naka-100 porsiyentong nabakunahan ang senior citizens at may comorbidities.
“Ginagawa po natin ito para mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna sapagkat ito ang unang panlaban natin para hindi kumalat at makapaminsala sa ating lungsod ang Delta variant,” ani Mayor Emi.
Tinalakay ni Dra. Lim ang kasalukuyang sitwasyon ng kinatatakutang variant at mga hakbang upang hindi kumalat sa lungsod at mas paigtingin pa an
prevention, detection, contact tracing, at recovery ng mga pasyente na tinamaan ng virus.
“Pinaka-importante po rito ang ating barangay officials na maging masigasig para alamin kung sino ang mga bagong pumapasok sa kanilang mga lugar at obligadong magsagawa ng self-imposed quarantine,” anang alkalde.
“Ililista rin ang pangalan ng mga nahawa ng virus para mai-report agad sa city epidemiology unit para magawan ng karampatang aksiyon,” dagdag ni Mayor Emi.
“Delta variant is real and is a serious threat. Magtulong-tulong po tayo at huwag nating payagan na tumaas ulit ang mga kaso sa ating lungsod katulad noong nakaraang buwan,” pahayag ni Mayor Emi.
Noong 2 Marso 2021 natukoy ng DOH ang kauna-unahang tinamaan ng South African variant ay mga residente sa lungsod. (JAJA GARCIA)