HINDI binabalewala at pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resolusyon ng ruling PDP-Laban na hinikayat siyang kumandidato bilang bise-presidente at binigyan ng kalayaang pumili ng kanyang running mate sa 2022 elections.
Inamin ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon pero itinanggi ang akusasyon ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr., na may game plan si Pangulong Duterte na “Duterte forever at Duterte dynasty” gamit ang resolusyon ng PDP-Laban.
“Well, unang-una si Renato Reyes po iyan, what do you expect ‘no talagang dati-rati po kasama iyan ni Presidente noong eleksiyon, ngayon talagang kritiko. Unang-una paano po magkakaroon ng plano, e wala pa pong desisyon ang Presidente, ang sinabi lang po niya pag-iisipan niya dahil siya ay na-nominate, hindi naman pupuwedeng balewalain iyon. So dahil wala pa pong desisyon patunay po iyan na walang plano,” sabi ni Roque sa virtual Palace briefing kahapon.
Buwelta ni Reyes kay Roque, nakatatawa ang tagapagsalita ni Pangulong Duterte, hindi niya umano nakasama ang Punong Ehekutibo noong 2016 elections at nakaharap lamang niya ito nang maluklok na sa Malacañang.
“Funny naman si Harry. Paano ko makakasama si Duterte no’ng eleksiyon e na-meet ko siya sa Malacañang after ng elections na?” ani Reyes sa isang Facebook post.
Giit niya, ang isyu ay ang walang kahihiyang pagtatangka ni Pangulong Duterte na manatili sa puwesto matapos ang termino sa 2022 at hindi tatahimik ang kanilang grupo sa harapang ‘pangga-gago’ ng adminsitrasyon.
“Ang issue ay ang walang-kahihiyang tangka ni Duterte na manatili sa puwesto lagpas 2022. What do you expect? Tatahimik na lang kami sa harap-harapang panggagago?”
Sa pangamba sa posibilidad na magagamit ni Pangulong Duterte ang kaniyang poder, pera, at rekurso ng gobyerno para mangampanya sakaling magpasya siyang maging VP bet ng PDP-Laban, ipinaliwanag ni Roque na may umiiral na mga patakaran ang Commission on Audit (COA) para maiwasang mangyari ito.
“Well, unang-una hindi pa po dapat sagutin iyan, dahil wala pang desisyon. Pangalawa po ay mayroon naman tayong existing rules sa Commission on Audit,” ani Roque.
Kahit itinatanggi pa ng Palasyo na lalahok sa 2022 elections si Pangulong Duterte bilang vice presidential candidate ng PDP-Laban sa 2022, tila ipinahiwatig ni Roque na mapaparalisa ang gobyerno kapag pinagbawalan siyang manungkulan dahil siya’y kandidato.
Alinsunod aniya sa batas, ang deklaradong nagbitiw sa puwesto ay ang mga opisyal sa sangay ng Ehekutibo na kandidato sa mas mataas na posiyon sa gobyerno.
“Dahil kung ipagbabawal po natin ang lahat ng opisyal(es) na manungkulan dahil sila ay kakandidato, baka po magkaroon tayo ng paralysis. Sa ating batas po ngayon, ang mga deemed resigned ay iyong mga nasa executive na running for higher positions, samantalang ang mga mambabatas hindi po sila deemed resigned if they are running for higher positions,” giit ni Roque.
Si Pangulong Duterte ay kilala na bilang kandidatong may iskemang ‘urong-sulong’ o kunwari ay ayaw pero gusto naman.
Nangyari ito noong 2016 elections na ilang beses siyang tumanggi na kakandidatong pangulo pero sa huling sandali ay nakombinsi umano at naging substitute candidate ni Martin Diño na nag-file ng certificate of candidacy bilang PDP-Laban presidential bet. (ROSE NOVENARIO)
Check Also
Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL
IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …
Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado
SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …
Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC
BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …
Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP
NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …
Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY
PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …