EXCITED na inihayag ng nag-iisang anak nina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado na si Jayda na papasukin na rin niya ang pag-arte.
Sa virtual media conference kahapon ng hapon, inamin ng dalaga na excited siyang subukan ang pag-arte pero tiniyak nitong hindi iiwan ang pagkanta.
Aniya, gusto niyang gumawa ng mga romcom.
“Romcom na genra ang gustong gawin,” panimula nito. ”Gusto ko kasing mag-start ng light. Narinig ko rin sa mom ko na sinabi niyang mag-enjoy muna ako sa acting kaya light muna. Then eventually at saka na ‘yung mabibigat,” paliwanag pa ng dalaga na palaban ang bagong single na M.U. dahil tila may patama sa mga malabong kausap pagdating sa estado ng relasyon.
Naikuwento pa ni Jayda na wish niyang maka-work sina Liza Soberano at Enrique Gil dahil fan siya ng love team nito. Gusto rin niyang makatrabaho si Aga Muhlach na napagkamalan niyang daddy niya noong makita ito sa telebisyon.
“Noong bata pa ako minsang nanonood kami ng TV, nasa TV din si Aga Muhlach then nasabi ko sa mom ko, ‘mom daddy o.’ Nasabi niya na ‘hindi mo ‘yan tatay.’ Ha ha ha.”
Ang M.U. ay hindi iyong alam ng marami na mutual understanding kundi, Malabong Usapan. Ito ay tungkol sa paghahanap ng seguridad sa isang relasyon.
“Ang M.U. ay ukol sa kung ano ang gusto mo, deserve mo, worth mo, at saka ayaw mo sa isang relasyon. It’s all about wanting clarity,” paglilinaw ni Jayda.
Ito ay bagong kolaborasyon ni Jayda kasama ang ama niyang si Dingdong na kasama rin niyang nagsulat ng Paano Kung Naging Tayo? single na inilunsad noong Pebrero lamang.
Co-producer niya sa M.U. si Jonathan Manalo, ang ABS-CBN Music creative director.
Tampok sa music video ng M.U. si Francine Diaz, na co-director siya kasama si Edrex Clyde Sanchez.
Bukod sa M.U. isasagawa rin ang first-ever major concert ni Jayda sa June 26 (Sabado) na may re-run kinabukasan (June 27) at mapapanood via KTX.ph, iWanTTFC, at TFC IPTV. Puwede nang bumili ng ticket sa mga nabanggit na platforms sa halagang P499.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio