‘Hitad’ na gov’t exec, Covid-19 vax info campaign, gamit sa lamyerda
MALAKING bahagi ng populasyon ng Filipinas ang hindi pa rin bilib sa bisa ng bakuna kontra CoVid-19 o may vaccine hesitancy na nagpapakita na may kakulangan sa information campaign ang gobyerno.
Sa ginanap na Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, iniulat ni Presidential Spokesman Harry Roque na 30 porsiyento lamang ng mga Pinoy ang gustong magpabakuna na isang matinding hamon sa ‘communication effort’ ng kanyang grupo.
Ngunit lingid sa kaalaman ni Roque at ng mga kasama sa nasabing pulong, kaya nabibigo ang gobyerno na ipaintindi sa publiko ang kahalagahan ng bakuna sa kanilang kalusugan ay bunsod ng kapabayaan ng isang opisyal ng administrasyon na gawin ang responsibilidad na ito.
Nabatid sa source, imbes ito ang dapat atupagin ng government executive ay naging abala siya sa walang habas na pamamasyal sa iba’t ibang bahagi ng bansa gamit ang pondo ng CoVid-19 information drive.
Anang source, naging bisyo ng government exec ang humirit sa ilang local government officials na sagutin ang hotel o beach front accommodation para sa kanyang malaking entourage.
“Sobrang kapal ng mukha niya samantalang may budget na inilaan ang kanyang ahensiya para sa mga opisyal na aktibidad pero nagpapalibre at namimili pa ang ‘hitad’ kung saan siya mag-i-stay pati ang bitbit na entourage na daig pa ang Presidente ng bansa,” anang source.
Isang dating mambabatas na may-ari ng hotel sa Mindanao ang isa sa naging biktima ng ‘hitad’ na government exec kamakailan nang bumisita ang grupo niya sa lungsod.
Nag-demand umano ng isang suite sa hotel ang ‘hitad’ na government exec para magamit ng kanyang pangkat na ‘nag-pralala’ tungkol sa bakuna.
Tila na-overdose umano sa anesthesia ang ‘hitad’ na government exec at namanhid sa kahihiyan dahil noong nakalipas na Pebrero ay nakatikim umano ng masasakit na salita mula sa isang opisyal ng ibang kagawaran nang mag-abuso sa beach resort na pagmamay-ari ng kanyang pamilya.
“Ang siste, nagyabang ang ‘hitad’ sa kanyang boss na kinaray pa ang misis para sa dalawang araw na ‘bakasyon’ sa pamosong beach resort sa Zamboanga Peninsula.
Nagulat sila nang biglang dumating ang isang opisyal ng gobyerno na kasosyo sa resort at nagsisigaw nang malaman na kinopo nila ang sampung VIP room nang walang bayad,” kuwento ng source.
Ang resulta, hindi natapos ang ‘dream vacation’ nila sa resort dahil nag-walkout ang misis ng boss ng ‘hitad’ na government exec sa kahihiyan kaya’t nag-check-in na lamang sa ibang hotel.
Malaking kuwestiyon kung saan dinadala ng ‘hitad’ na government exec ang P250k budget para sa isang official event ng kanyang ahensiya at ganoon na lamang ang kanyang direktiba sa kanyang regional execs na bigyan siya ng special accommodation na libre sa tuwing dadapo sa kanilang lugar.
“Dapat ay utusan siyang mag-explain, explain,explain, kung saan napupunta ang pera ng bayan.
“Bakit kinokonsinti ng kanyang boss ang pagmamalabis at kapalpakan niya sa trabaho? Ano ang alas na hawak niiya sa kanyang boss?” wika ng source. (ROSE NOVENARIO)