
Gov’t properties sisimutin ni Duterte para itustos sa Covid-19 campaign
NAKAHANDA si Pangulong Rodrigo Duterte na ‘simutin’ sa pagbebenta ang mga ari-arian ng gobyerno para may ipantustos sa kampanya ng pamahalaan kontra CoVid-19.
Kombinsido si Pangulong Duterte na dapat paghandaan ang posibilidad sa pinakatatakutang pangyayari kaugnay sa CoVid-19 pandemic.
“I said, baka magkatotoo sabi ko ipagbili ko talaga ‘yong mga propriedad ng gobyerno kasi pawala nang pawala na ‘yong pera. We have spent maybe mag-abot lahat- lahat diyan at the — on the final counting mga almost a trillion, and there’s no, I said, an end in sight na matapos ito or the new variants will take over,” anang Pangulo sa kanyang Talk to the People.
Iginiit niya na walang katiyakan kung ang mga CoVid-19 vaccine ay epektibo sa mga lalabas na bagong variant.
“And if it is more — a serious mutant, the variant, we will just have to prepare for the worst,” aniya.
“We continue to prepare and we calibrate our preparedness in accordance with each propagation. Kung medyo palapit nang palapit na at marami nang tinatamaan, then we will go full blast in making everything operational,” dagdag niya.
Ikagagalak ng Pangulo kung ipagpapatuloy ang pagtatayo ng mga impraestraktura para labanan ang CoVid-19 upang magkaroon ng kahandaan sa mas malalang variant.
Kompiyansa si Pangulong Duterte sa kakayahan nina vaccine czar Carlito Galvez at Health Secretary Francisco Duque III sa pagharap ng bansa sa CoVid-19 pandemic. (ROSE NOVENARIO)