SHUTDOWN ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line-1 sa loob ng dalawang weekend ngayong Abril para bigyang-daan ang maintenance at rehabilitation activities.
Sa pahayag ng Light Rail Manila Corporation (LRM) management, walang operasyon ang LRT line 1 sa 17-18 Abril, at 24-25 Abril 2021.
Layunin umanong isasaayos ang mga linya, mga tren, at ang mga estasyon sa mga petsang nabanggit.
Papalitan ang overhead catenary wires upang hindi magkaaberya ang mga biyahe at mapabuti ang serbisyo ng LRT Line 1
Ayon sa LRMC, ang pagsasaayos ay nasimulan na noong Semana Santa at kailangang tapusin sa mga nasabing petsa.
Bukod dito, preparasyon na rin ito para sa inaasahang commercial use ng bagong Generation-4 trainsets sa ika-apat na quarter ng 2021.
Siniguro ng LRMC na may itatalagang public utility buses sa Route 17 o Monumento hanggang EDSA via Rizal Avenue/Taft Avenue upang magsakay ng mga pasaherong maaapektohan ng pansamantalang weekend shutdown, alinsunod na rin sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa LRMC, walang pagbabago sa service schedule ng LRT Line 1 sa weekday o Lunes hanggang Biyernes, 4:30 am hanggang 9:15 pm, northbound train; at 4:30 am hanggang 9:30 pm para sa southbound train.
Patuloy ang paalala sa commuters na tumalima sa health protocols laban sa coronavirus disease 2019 (CoVid-19).
(JAJA GARCIA)