ni ROSE NOVENARIO
HUMIRIT ng dialogue ang iba’t ibang unyon sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) kay Pangulong Rodrigo Duterte upang talakayin at matuldukan ang miserableng kalagayan ng medical frontliners.
Sa ipinadalang liham ng AHW kay Pangulong Duterte sa Malacañang kahapon, inihayag ng grupo ang pagnanais na makaharap ang Punong Ehekutibo sa Biyernes, 16 Abril 2021, upang talakayin ang tunay nilang sitwasyon gaya ng binawi at hindi ibinigay ang kanilang mga benepisyo alinsunod sa Bayanihan Law 2 gaya ng meals, transportation, at accommodation allowance, Special Risk Allowance, at ang Performance Based Bonus mula 2018 hanggang 2020 at mass hiring ng regular health workers na kakalinga sa CoVid-19 patients.
Anang AHW, ikinagalak nila ang pagtawag sa kanila ni Pangulong Duterte bilang mga bayani at inihalintulad sila sa mga sundalong nakibaka tungo sa kalayaan ng bansa sa kanyang Araw ng Kagitingan message.
“We appreciate compliments and recognition as we combat this war on CoVid-19 but what we need right now is support and protection. For more than a year now, we have selflessly offered our health and live to overcome this pandemic. Thus, it is only right to sincerely ask you to hear upon our miserable plight and seek a resolution to our misery,” sabi ng AHW sa liham.
Isinalaysay ng grupo na malala ang kakulangan ng health workers sa mga ospital at marami na ang nalagas sa kanilang hanay dulot ng mga problema sa kaligtasan at proteksiyon sa panahon ng pandemya.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 141 ang namatay na health workers at 17,921 ang nagpositibo sa CoVid-19 hanggang noong 29 Marso 2021.
Ang mga tinuran ng AHW sa sulat sa Pangulo ay kabaliktaran ng iniulat sa Punong Ehekutibo ni Health Secretary Francisco Duque III na tinutugunan ng DOH ang lahat ng pangangailangan ng medical frontliners.
Noong 6 Abril 2021 ay itinanong ng HATAW sa Palace virtual Palace press briefing kung makikipag-dialogue ang Malacañang sa mga grupo ng health care workers kagaya ng ginawa ni US President Joe Biden.
Sagot ni Presidential Spokesman Harry Roque, “At siyempre po kung ang tanong ay gusto pang makipag-dialogo, ang Presidente naman po talagang bukas ang kaniyang tanggapan para sa lahat ng Filipino na mayroong mga hinagpis na nais iparating sa kaniya.”
Isiniwalat ng AHW na natutulog na lang sa karton ang health workers sa ilang public hospitals dahil ang pondong nakalaan para sa kanilang meals, transportation, at accommodation allowances ay ibinalik ng management ng mga ospital sa utos ni Duque nang hindi ikinonsulta sa health workers bilang benepisaryo nito.
Sa kabila ng kalbaryong pinagdaraanan ng medical frontliners, pang-iinsulto at pananakot ang kanilang napala kay National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) spokesperson at Communications Undersecretary Lorraine Badoy nang akusahan ang AHW bilang isa umano sa mga binuong grupo ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) para mag-infiltrate sa gobyerno.
“Instead of addressing and supporting the call of health workers, she managed to red-tagged us. This is very unbecoming and unprofessional of a medical doctor like her. We call on Usec. Dr. Lorraine Badoy to concentrate and pay attention in her duty as a doctor of medicine to take care and treat her countrymen who are afflicted by CoVid infection instead of intimidating and insulting her fellow health workers,” ayon sa kalatas ng AHW.
“We strongly urge the Civil Service Commission (CSC) and the Ombudsman to conduct a motu proprio investigation and act promptly on Usec. Lorraine Badoy for Grave Misconduct and Conduct Grossly Prejudicial to the Best Interest of the Service and violation of the Code of Conduct and Ethical Standards for Government Officials and Employees,” diin ng AHW.