NAGSIMULA nang magbakuna sa senior citizens sa lungsod ng Parañaque laban sa CoVid-19 gamit ang bakuna mula sa Chinese biopharmaceutical company na Sinovac kahapon, 12 Abril.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nitong nakaraang Sabado, nakuha ang advisory at guidelines sa pagbabakuna mula sa Department of Health (DOH).
Noong mga nakaraang linggo, hindi pa pinapayagan ang pagbabakuna ng Sinovac sa senior citizens.
Ang mga senior citizens ay maaari nang makatanggap ng CoronaVac vaccine sa kondisyon na mayroong mahigpit na evaluation sa health status o kalagayan ng kanilang kalusugan.
Binanggit ni Olivarez, mayroon silang 21,000 doses ng parehong bakuna ng AstraZeneca at Sinovac at 16,500 rito ang ginamit na.
Ang scheduled vaccination para sa senior citizen ay sinimulan kahapon, 12 Abril. May kasunod ito sa Miyerkoles, 14 Abril, at Biyernes, 16 Abril, mula 8:00 am hanggang 5:00 pm sa Ayala Malls Manila Bay Transport Terminal sa bahagi ng Diosdado Macapagal Boulevard.
Paalala ng Parañaque City Health Office sa mga senior citizens, magsuot ng facemask, face shield, magdala ng sariling ballpen, alcohol, pagkain, at tubig.
Tanging ang mga nasa master’s list na senior citizens ang tatanggapin sa vaccination site. Kailangang dalhin ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ID, health certificate, at medical clearance.
(JAJA GARCIA)