HINDI nagparamdam si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na pulong ng ilang miyembro ng kanyang gabinete kahapon o isang araw matapos kumalat ang balitang nakaranas umano siya ng mild heart attack
Walang paliwanag ang Malacañang kung ano ang dahilan at hindi nakadalo ang Pangulo kahit online ang ginanap na pulong.
Maging mga pangalan ng dumalong cabinet members ay hindi rin naibigay ng Malacañang.
Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa viber message sa Malacañang Press Corps na kabilang sa mga tinalakay sa pulong ay tinutugunan na ng gobyerno ang isyu ng hazard pay ng health care workers.
Inaasahan aniya ang dalawang milyong doses ng CoVid-19 vaccine ang darating ngayong buwan, 1.5 milyon nito’y mula sa Sinovac ng China at 500,000 mula sa Gamaleya ng Russia.
Iaanunsiyo ni Roque bukas kung palalawigin pa ang implementasyon ng ECQ sa NCR plus bubble.
Matatandaan, kamakalawa ay kumalat na inatake sa puso ang Pangulo kaya hindi natuloy ang kanyang Talk to the People.
Itinanggi ito ng Palasyo at sinabing nag-iingat lang ang Pangulo bunsod ng mataas na kaso ng COVId-19 sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)