HILONG-TALILONG si Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin ng DV Boer Farm Inc., sa pagpapadala ng mga dokumento sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para pasinungalingan ang mga reklamo at kasong inihain laban sa kanya ng mga naggantso niyang investors.
Pero hindi niya kayang pasubalian ang resolusyon na inilabas kamakailan ng Department of Justice sa pamamagitan ng Office of the Prosecutor ng Candon City, Ilocos Sur na nagrekomendang sampahan siya at apat pang kasabwat ng kasong syndicated estafa.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong inihain ni Jayson Molina, isang overseas Filipino worker (OFW) na nakabase sa Singapore, na naglagak ng P6.55 milyon sa DV Boer para sa umano’y 30 percent per annum na return on investment (ROI).
Ayon kay Molina, inalok siya ni Villamin noong 2013 na mamuhunan sa isang sub-farm scheme katulad ng kanyang DV Boer Farm sa Barangay Balibago, Lian, Batangas.
Nakombinsi ni Villamin si Molina kaya’t noong 2017 at 2018 ay nag-remit ng milyones ang OFW para sa DV Boer Farm.
Lumaki aniya ang halaga dahil nagpatong-patong ang presyo ng mga bagong programa na pinasali siya, sa katuwiran na standard procedure ito para sa sub-farms o paiwi system.
Batay sa resolusyon ng National Prosecution Service Assistant City Prosecutor Windel Almoite Basabas, inirekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Villamin, Lovely Corpuz, Krizza Aguilar, Joselyn Villamin, at Rosalyn Alvarez-Casihan sa Regional Trial Court ng Candon City, Ilocos Sur.
Ayon kay Basabas, malinaw na may “false representation as to the business of the corporation” na ang kontrata ay nilagdaan upang bigyan ng legal na anyo ang isang “web of illegal schemes of the respondents to extract funds from innocent investors.”
Nabatid na si Joselyn Villamin ay ina ni Dexter, si Krizza ang dating vice president for operations ng DV Boer, si Lovely ay girlfriend ni Dexter, at si Alvarez ang finance officer ng kompanya.
Napag-alaman, ang padre de familia na si Villamin Sr., ay isang retiradong opisyal ng Philippine Air Force (PAF) at masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(May Karugtong)