HINAMON ng Palasyo si Vice President Leni Robredo na maglabas ng ebidensiya sa pagtaguring masaker ng mga pulis sa siyam na aktibista sa CALABARZON nitong Linggo.
“Unang-una, kung personal na nakita ni Vice President iyong pangyayari, aba’y magbigay siya ng ebidensiya. Kasi ang pananalita niya ay parang nakita ng dalawa niyang mata kung ano ang nangyari roon sa mga patayan na iyon ‘no. Kapag hindi siya nagbigay ng ebidensiya, kasalan din po iyan; baka siya ang makasuhan ‘no,” mataray na tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pagbatikos ni Robredo sa masaker sa CLABARZON.
Kinutya ni Roque si Robredo nang sabihin na hindi naman eyewitness o testigo ang Bise Presidente sa nangyaring pagpatay ng mga pulis sa siyam na aktibista, sa raid noong Linggo kaya dapat hintayin ang resulta ng imbestigasyon sa insidente.
“So kung talagang siya ay eyewitness, sige po, ibigay niya ang ebidensiya. Pero kung hindi niya nakita ang pangyayari, gaya ng Presidente at gaya ng sambayanang Filipino, mag-antay ng resulta ng imbestigasyon dahil, naku, abogado pa naman po tayo pare-pareho ‘no. It’s an issue of fact, at kapag mayroong krimen na nangyari, talaga naman pong ang unang ebidensiya na io-offer natin sa hukuman kung mayroong kasong maisasampa ay iyong investigation report ng ating pulisya,” ani Roque.
“So kung anoman ang conclusion ni Vice President Robredo, kung wala siya roon sa mga pangyayaring iyon, as usual, laging mali ang ating Vice President,” dagdag ng Tagapagsalita ng Pangulo.
Kamakalawa ay ‘winakwak’ na naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo dahil sa kritisismo ng Bise Presidente sa pag-handle ng administrasyon sa CoVid-19 pandemic.
(ROSE NOVENARIO)