NAKAHANDA ang administrasyong Duterte na ilikas ang 1,273 Pinoys sa Myanmar kasunod ng naganap na coup d’etat laban sa democractically elected government ni Nobel laureate Aung San Suu Kyi, na ikinulong kasama ang iba pang senior figures ng National League for Democracy (NLD) sa isinagawang raid kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naka-standby ang mga eroplano at barko ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para ilikas ang mga Pinoy sa Myanmar na nais umuwi.
Tumanggi si Roque na magkomento sa internal na suliranin ng Myanmar dahil ang prayoridad ng administrasyon ay kaligtasan ng mga Pinoy na naroroon.
Nagdeklara ng state of emergency ang Myanmar Army sa loob ng isang taon at ibinilanggo ang matataas na opisyal ng civilian government bilang pagtugon sa umano’y naganap na election fraud noong Nobyembre at sa kawalan ng aksiyon ng pamahalaan sa panawagan ng militar na ipagpaliban ang eleksiyon dahil sa pandemya.
Anila, ibibigay ang kapangyarihan kay military chief Min Aung Hlaing.
Ilang world leaders ang nagkondena sa naganap na kudeta kabilang rito si US President Joe Biden.
(ROSE NOVENARIO)