UMALMA ang ilang grupo sa hindi patas na pagpapatupad ng batas sa mayayaman at mahihirap sa Filipinas.
Malinaw ito sa mababang multang ipinataw sa mga lumabag sa health protocols sa viral Baguio City birthday party ni event organizer Tim Yap, ayon sa grupong PISTON.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda , pinagbayad lamang ng P1,500 ang lahat ng dumalo sa party ni Yap samantala ang isang senior citizen na driver at miyembro ng PISTON na si Elmer Cordero ay ikinulong ng sampung araw hanggang makabayad ng P10,000 multa dahil sa paglahok sa rally na nanawagan sa gobyerno ng balik-pasada at ayuda.
Si Cordero at lima pang kasapi ng PISTON ay inaresto sa ‘disobedience to authority’ nang umano’y tumangging itigil ang kanilang kilos-protesta sa EDSA.
“Dapat tingnan ng gobyerno ‘yung kalagayan ng mga driver na hinuli noong June 2 at ini-detain ng pitong araw. Pero itong mga kilalang tao ay hindi man lang na-detain at mas mababa pa ‘yung penalty. Ibig sabihin ‘yung batas ay hindi pantay, ‘yung trato sa mga mamamayan,” ani Floranda.
Kung hindi naging viral sa social media ang party ni Yap ay hindi mapaparusahan ang mga dumalo, ayon kay Ariel Inton, president ng Commuters Safety and Protection.
“Ikinulong muna. Na-detain siya at hindi inilabas hanggang ‘di nakapagpipiyansa base sa rekomendasyon ng prosecutor ng Caloocan. Si Tim Yap hindi. Matapos magpakasarap ay minultahan. Kung hindi na-social media at napabalita e wala. Walang mangyayari,” ani Inton.
Nagbitiw bilang contact tracing czar si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bunsod ng insidente dahil isa rin siya sa mga dumalo sa party ni Yap at aminado na wala siyang ginawa para pigilan ang mga paglabag sa health protocols na kanyang nasaksihan.
Hindi tinanggap ng Palasyo ang pagbibitiw ni Magalong ngunit iginiit ng alkalde na “irrevocable resignation” ang kanyang isinumite sa Malacañang.
(ROSE NOVENARIO)