NAGPASALAMAT si Pangulong Rodrigo Duterte sa Presidential Security Group (PSG) kahit nilabag ang batas sa pagturok sa kanilang mga kagawad ng ipinuslit at hindi aprobado ng Food and Drug Administration (FDA) na COVID-19 vaccine na gawa ng Sinopharm ng China.
“Ang ating Presidente ay nagbibigay-pugay sa katapatan ng PSG sa kanilang misyon na protektahan ang ating Presidente,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
Para kay Roque, ang mensahe ng PSG sa pagbakuna kahit ilegal ay handa silang mamatay para protektahan ang seguridad ng Pangulo.
“Tingin ko po ang mensahe ng PSG ay handa silang mamatay para protektahan po ang seguridad ng ating Presidente,” ani Roque.
“Nagpapasalamat po kami at nagpupugay rin sa lahat ng miyembro ng PSG na nagpaturok. Maraming salamat po sa inyong katapatan, sa inyong katapangan,” dagdag niya.
Ipinagmalaki ni Roque na nakahandang humarap sa kahit anong imbestigasyon ang PSG kaugnay sa isyu at katumbas na parusa.
Tila inilihis ni Roque ang usapin mula sa paglabag sa batas ng PSG ay inakusahan si Vice President Leni Robredo na ginagamit sa politika ang usapin.
Isa si Robredo sa sa mga pumuna sa lantarang ilegal na hakbang ng PSG.
“Haharap ho ba sila sa mga imbestigasyon? Siyempre po! Wala po tayong tinatago VP Leni Robredo. Kaya nga po nagkakaroon po ng mga imbestigasyon ang NBI, ang DOJ at ang FDA. Wala pong takot ang ating mga PSG kung papatawan sila ng parusa. Kagaya ng aking sinabi po, magpapakamatay nga po sila para sa Presidente, ano naman ang pakialam nila kung anong parusang maibibigay sa kanila kung mayroon mang parusa,” aniya.
“Tigilan na po natin ang usapang ito dahil ang usapan natin dapat ngayon, nakatutok doon sa vaccine: Kailan darating; paano po natin iyan mapapakalat sa ating mga kababayan. Tigil na po ang politika! Alam naman po natin na walang tigil ang isyu na ito na ginagamit ng mga kalaban ng gobyerno,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)