ni ROSE NOVENARIO
FAKE news ang lockdown mula 23 Disyembre 2020 hanggang 3 Enero 2021, na kumakalat sa text messages at viber groups na ipatutupad ng gobyerno nationwide.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon para tuldukan ang pangamba ng mga mamamayan sa natanggap na text message na nagsaad ng pekeng balita na mararanasan muli ng buong bansa ang enhanced community quarantine (ECQ).
Sa hiwalay na kalatas, pinayohan ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force co-chairman Karlo Alexi Nograles na dapat alamin muna ng publiko ang totoo, huwag maniwala at huwag magkalat ng ‘fake news’ lalo na sa panahon ng CoVid-19 pandemic.
Nanawagan siya na patuloy na maging responsable sa sarili at sa pamilya.
Ayon kay National Task Force against CoVid-19 spokesman Restituto Padilla, huwag maniwala sa mga impormasyon na hindi nagmumula sa beripikadong sources.
“Everyone is strongly advised not to believe news or information coming from unverified sources. Please ensure you verify or ask authorities or trusted organizations about the veracity of such information before believing and passing it around. Let us not be instruments of fake news distribution and help our fellow kababayans,” ani Padilla.