Sunday , November 24 2024

Cong. Yul Servo, nagmungkahi ng mas matinding parusa kontra game-fixers

MAS nakatutok ngayon ang award-winning actor na si Yul Servo sa kanyang pagiging public servant, kaysa pagiging alagad ng sining.

Si Yul na kilala rin bilang Rep. John Marvin “Yul Servo” Nieto ng ika-3 Distrito ng Maynila ay nagsulong ng isang bill at nagmungkahi ng mas matinding parusa laban sa “game-fixers” sa larangan ng palaro sa ating bansa.

Mula sa Committee of Youth and Sports Development na kinakatawan ni Rep. Nieto, ay may naipasang bill na naglalayong mapalawak ang sports coverage at magbigay ng mas matinding parusa sa mga gagawa ng krimeng “game-fixing.”

Itong bagong bill ay papalit sa kasulukuyang House Bills 1226 at 5281.

Ang naturang dalawang (2) House Bills ay mula sa Presidential Decree No. 483, na ipinagtibay noong taong 1974. Dahil sa pagbabago ng kasalukuyang panahon, si Rep. Angelo Marcos Barba ay iminungkahi ang House Bill 1226 at sina Reps. Enrico Pineda at Michael Odylon Romero naman ay nagmungkahi ng House Bill 5281. Ang mga House Bills na ito ay naglalayong makagawa ng ‘anti game-fixing’ regulations at maging mas estrikto laban sa mga mapanlinlang na gawain sa larangan ng palaro na kasalukuyang isinasagawa sa ating bansa.

Nabatid ni Rep. Yul na ang mga mapanlinlang na tao at sindikato ay kumikita nang milyon-milyon mula sa “game-fixing” at sa “point-shaving” at mga “game machinations” at ayon sa batas, kapag nahuli, sila ay mapaparusahan sa pamamagitan ng pagbabayad ng multang nagkakahalaga ng dalawang milyong piso (P2,000,000), ngunit hindi sila madaling maipakukulong.

“Ito po ang dahilan kung bakit namamayagpag pa rin sila sa sektor ng palakasan. Ayaw po natin itong magpatuloy sa ngalan ng integridad ng bawat palaro natin, gayon din ng ating mga manlalaro. Sa isinusulong po natin na batas, mas madali silang matutukoy at mapananagot,” ayon kay Nieto.

Sa naaprobahang substitute bill, ang aktuwal na bayad o pag-abot ng pera ay mahalaga ngunit hindi kailangan upang mapatunayan ang krimen ng pandaraya sa laro, gayonman, ito ay magiging “prima facie evidence” sa kaso.

Itong substitute bill ay magpapataw ng mas matinding parusa kahit ang mga nasasangkot ay nagpaplano, nagmumungkahi, o sumusubok pa lang na gumawa ng “game-fixing,” Sila ay papatawan ng maximum na parusa sa halagang isang milyong piso (P1,000,000). Ang Game and Amusements Board (GAB) ay maaari na rin magsuspendi o magtanggal ng propesyonal na lisensiya ng mga nasasangkot na atleta. Samantala, ang Philippine Sports Commission (PSC) naman ay maaaring magtanggal ng mga atleta at coaches at mga opisyal mula sa national team. Ang mga nasasangkot ay maaari rin ipagbawal habambuhay mula sa pagsali sa lahat ng palarong isasagawa ng PSC at sila rin ay madi-disqualify mula sa kahit anong nominasyon at gantimpala.

“Nakipag-ugnayan na po tayo sa Senado ukol dito at ang mga nasabing bill ay mayroon nang counterpart measures sa komiteng pinamumunuan ni Sen. Christopher Lawrence “Bong Go,” pahayag ng premyadong aktor.

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

About Nonie Nicasio

Check Also

Enrique Gil

Bagong serye ni Enrique sa Europe kukunan

MA at PAni Rommel Placente MAGIGING masaya ang mga faney ni Enrique Gil dahil sa wakas ay …

GMA 2024 Christmas Station ID

Paskong Pinoy ipinadama ng mga mamamahayag ng GMA

RATED Rni Rommel Gonzales TIME-OUT muna sa paghahatid-balita ang mga batikang mamamahayag ng GMA dahil kasama silang …

Kathryn Bernardo Alden Richards Maine Mendoza KathDen Aldub

Al-Dub nag-ingay ayaw patalo sa KathDen

I-FLEXni Jun Nardo NIYANIG na naman ng Al-Dub (Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) ang X (dating Twitter) nang nagkagulo …

JC De Vera Lana Laura

JC hands on tatay sa mga anak — kasama na future ng pamilya ko

I-FLEXni Jun Nardo BINAGO ang pananaw sa buhay ni JC De Vera mula nang magkapamilya at magkaroon …

Blind Item, matinee idol, woman on top

Dating sexy male star napeke ni aktres

ni Ed de Leon GUSTO nang hiwalayan ng isang dating sexy male star ang kanyang asawa. Una, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *