AKMA ang kasabihang kapag ukol, bubukol kina Geoff Eigenmann at Ynna Asistio. Talagang para sa kanila ang role nina Romer del Mundo at Reina Dimayuga sa unang romantic drama series ng Net 25, ang Ang Daigdig Ko’y Ikaw na mapapanood na ngayong Nobyembre, tuwing Sabado, 8:00 p.m. at idinirehe ni Eduardo Roy Jr..
Inamin ni Geoff na nag-go-see o pinapunta siya sa Net 25 para sa role ni Romer samantalang si Ynna naman ay talagang parang hinintay siya para mapasakanya ang role.
Sa presscon ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw noong Lunes ng gabi, naikuwento ni Ynna na may nauna na sa kanya para gumanap na Reina.
“Parang, it took a long time bago napunta sa akin itong project na ito. Kasi nga may nauna na (pinagpilian),” ani Ynna.
Pero hindi nawalan ng pag-asa ang batang aktres. Pagtatapat niya, “Pinag-pray ko. And I thanked kuya Anjo (Yllana) because if it wasn’t for him, I wouldn’t be here. Pinag-pray ko po talaga ito. Umabot ng halos two or three weeks bago na-finalize na ako na po ‘yung bida. Sabi ko nga po, 14 years sa industry na ‘to, first time kong naka-land ng lead role. And I’m very happy. And I thank Net25 for this opportunity. I’m so excited.”
Sinabi rin ni Ynna na malaking challenge ang pagbibida nila ni Geoff sa drama series na ito ng Net 25. “Isang malaking challenge ito sa aking buhay lalo’t sa tagal ko sa showbiz, ngayon lang ako nabigyan ng lead role.”
Pero tiniyak naman ng anak ni Nadia Montenegro na ginawa niya ang lahat para maging maayos at maganda ang kalabasan ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw.
First time magkatrabaho sina Geoff at Ynna bagamat nagkakasama na sila sa mga show. Pero hindi itinago ni Ynna ang paghanga niya kay Geoff.
Aniya, “Napakagaang katrabaho ni Geoff. As in, hindi ako nahirapan. ‘Yun ‘yung una ko pong worry na..hindi naman kasi kami close ni Geoff. So paano ‘yung pagwo-work namin? Pero ang sarap lang ng feeling na alam ninyo ‘yung wala po kaming wall.
“Kumbaga, kinilala namin ang isa’t isa. And naging madali na sa amin ang magtrabaho, kasi naging komportable po ako sa kanya, and at the same time, naging komportable siya sa akin. Kaya siguro nagawa rin namin nang maayos ‘yung trabaho namin, kasi sobrang professional po ‘yung partner ko.”
Bukod kina Geoff at Ynna, kasama rin sa Ang Daigdig Ko’y Ikaw sina Richard Quan, Sheila Marie Rodriguez, Paulyn Ann Poon,Tanya Gomez, Manolo Silayan, Arielle Roces, AJ Muhlach, Anna Mabasa-Muhlach, Jiro Custodio, Jellex David, at Myrna Villanueva Tinio.
May special participation naman si Elizabeth Oropesa, na gumaganap bilang si Mayor Etta Almazan.
Samantala, inamin ni Geoff na nalungkot siya sa nangyari sa ABS-CBN. Pero tiniyak na parte na ng puso niya ang Kapamilya Network at kung sakaling may offer mula rito o gusto pa siyang magtrabaho ay willing pa rin siyang magtrabaho roon.
At dahil pamilyado na siya, may-anak, tinanggap niya ang trabaho mula sa Net 25. “I’m a father and I need to provide for my family. Kahit na one time show lang ito, I’m still thankful at masaya ako na nangyari ito at magandang experience at it came at the right time,” saad ng actor.
Hindi naman siya nagkaroon ng agam-agam sa mga protocol sa new normal taping. “Hindi ako natakot kasi alam kong sinusunod ng Net 25 ang protocols. Sineryoso rin ng lahat ng tao. At first skeptical ako on taking test. Sabi ko hindi naman kailangan iyon, pero you have to eh pero para na rin ma-prove na wala kang sakit, how healthy you are, so kailangan mo talagang gawin.
“And in my case kailangan kong magtrabaho, I have to follow the rules,” ani Geoff na after ng taping ay sumasailalim muli sa test para matiyak na wala silang nakuhang virus o sakit. “Pero parang quarantine na rin kasi ‘yung sa taping namin sa Bataan kasi lahat kami roon nag-undergo ng test eh.”
At dahil sanay na si Geoff at sa dami na ng nagawa niyang serye, natanong ito kung paano niya inalalayan si Ynna. “Ako naman in every star o leading lady ko na alam ko naman na hindi ko magagawa iyon on my own, it’s between the two of us. So, kami ni Ynna we got comfortable right away. First few nights pa lang namin, nagkukuwentuhan na agad kami. Alam na namin ang mga scene namin kasi pina-practice namin together. Kaya half of the scenes alam na agad namin. Along the way, getting to know each other lang, lumalim lang ang friendship namin na it helps a lot kasi komportable kami onscreen.”
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio