Thursday , December 26 2024

DepEd ‘umiskor’ ng P355.6-M para sa Mitsubishi pick-ups (Sa panahon ng distant learning at online classes)

MASYADONG nakalulungkot ang mga ‘tugon’ ng mga opisyal ng pamahalaan sa batayang pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng pananalasa ng pandemyang CoVid-19.

Isa na rito ang Department of Education (DepEd) na hindi natin maintindihan kung bakit hindi man lang nakonsensiya nang ituloy pa rin ang pagbili ng 254 units ng Mitsubishi pick-up na nagkakahalaga ng P355.6 milyon sa panahong umiiral ang CoVid-19 pandemic.

Pero ang hindi lalo natin maintindihan, bakit inaprobahan ito ng Palasyo?
Siyempre hindi ito nakalampas sa pagbatikos ng netizens dahil talaga namang kung may konsensiya ang isang opisyal, tiyak na ‘babaliktad ang sikmura’ niya sa ganitong klase ng pagpapasya sa panahon na dapat ay nakatutok ang ahensiya sa blended learning.

Alam nating sa panahon ngayon, maraming mga bata ang hindi makaagapay sa blended learning ng DepEd dahil marami sa mga magulang ang walang kakayahang pagkalooban ng ‘gadgets’ ang mga anak at makapagpakabit ng internet para sa online classes.

Ito na po ang pinakamabigat na pasanin ng isang magulang — ‘yung wala kang magawa habang ang anak mo ay umaasa na makalalahok sila sa blended learning na tugon ng DepEd sa panahon ng pandemya.

Kung noong walang pandemya, masakit na ang ulo ng mga magulang kung paano maibibigay ang mga pangangailangan sa eskuwela ng kanilang mga anak ‘e ‘di lalo na ngayong hindi normal ang panahon.

Kaya naman, kasumpa-sumpa, na ang halagang P355.6 milyon ay gastahin sa ‘maluhong’ luxury SUV na Mitsubishi pick-up — 254 units po lahat ‘yan.

Depensa ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang pondo umanong ginugol para sa mga sasakyan ay bahagi pa ng 2019 budget ng DepEd.

“Lahat po ng napo-procure sa taong ito e matagal na po iyong nasa drawing board. Itong pagbili po ng transportasyon ng DepEd, 2016 pa po iyan na-identify na pangangailangan ng DepEd at ngayon lang po iyan nabili nga ano pero iyan po ay included sa 2019 budget.”

Buong giting na pagtatanggol ni Secretary Roque sa virtual Palace press briefing.

Hirit pa ni Sec. Roque, “So, hindi po iyan denisisyonan sa panahon ng pandemya. Bago pa po dumating ang pandemya e naaprobahan na po iyang budget na iyan at itong mga sasakyan naman po ay ginagamit po para sa mga DepEd engineers na gumagawa ng classrooms, iyong disaster inspection, module distribution at saka ginagamit din po iyan ng field offices at saka ng iba pang mga opisyal ng DepEd na importanteng makaikot sa panahon ng pandemya.”

E, halu, Secretary Roque, hindi ba puwedeng i-reallign ang nasabing P355.6 milyon para makatugon sa pangangailangan ng mga estudyante at mga gurong pirming nag-aabono para sa pangangailangan ng kanilang mga estudyante?

Wala man lang bang nakaisip no’n sa hanay ng mga henyo sa DepEd?!

Wow! 254 units ng Mitsubishi pick-up? Ano po ang gagawin sa mga sasakyang ‘yan?!

Gagamitin ba sa parada ng mga buwaya ‘yang 254 units ng Mitsubishi pick-up, Secretary Harry Roque?!

Sabi nga ng ilang mga guro, ang nasabing hakbang ay ‘insulto’ lalo’t may mga titser at estudyanteng naglalakad nang ilang kilometro sa mapuputik na kalye, dumaraan sa mga ilog at bundok, para makarating sa paaralan pero ang mga opisyal ng DepEd ay ibinili ng maluhong sasakyan para makarating sa eskuwela.

Maging ang umano’y kawalan ng suporta ng DepEd na tinuligsa ng mga guro dahil sa sariling bulsa pa nila kinukuha ang pambili ng ink at bond paper para sa modules, at load para sa internet connection.

Mas mainam pa nga naman kung ini-realign ang budget para sa pagkukumpuni ng mga paaralan habang walang face-to-face classes.

Ano sa palagay ninyo Secretary Harry Roque?

Hyundai H100 owner ‘naholdap’ nang walang kalaban-laban sa Hyundai North EDSA

NOONG unang linggo ng Hulyo 2020, isang kabulabog natin ang biglang nangailangan na dalhin sa Hyundai North EDSA ang kanyang H100 dahil biglang hindi lumamig ang airconditioning unit nito sa loob ng sasakyan.

Ang kanyang H100 ay brand new kaya mas pinili niyang dalhin sa casa ng Hyundai mismo.

Ayon sa isang Service Advisor na nagpakilalang siya si Kimberly Delfin, kailangan raw linisin ang aircon ng sasakyan at sinabing kailangan niyang magbayad ng P20,000.

Dahil ginagamit niya sa delivery service ang kanyang sasakyan hindi na niya naisip na ipatingin pa ito o ikonsulta sa ibang mekaniko dahil gusto nga niyang mabilis na matapos.

Pero inabot pa ng isang linggo bago nagawa ang kanyang sasakyan. At nang balikan niya ito noong 16 Hulyo 2020 para kunin na, imbes P20,000 ang ibabayad niya pinadagdagan pa ng P4,000 dahil may ginawa pa raw silang ibang tests.

Nagtataka man na masyado na yatang lumaki ang gastos niya dahil sa aircon, e minabuti niyang magbayad na lang dahil kailangan nga niya sa kanyang negosyo ang sasakyan.

Heto na, pagkatapos ng isang araw, nawala na naman ang lamig ng aircon kaya ibinalik na namn niya sa Hyundai North EDSA. Ang sabi ng mekaniko, mayroon daw leak kaya iniwan na naman niya ang sasakyan na inabot na naman ng isang linggo bago nagawa.

Tinanong niya ang mekaniko kung ano ang sira, ang sabi ‘yung discharge hose umano, na sa kanyang pagkakaunawa ay under warranty pa dahil nga brand new ang kanyang H100.

Siyempre, iginiit ng kabulabog natin na dapat ibalik ang kanyang P24,000 dahil under warranty pa ang pagkasira ng kanyang sasakyan.

Pero ayaw nang ibalik ng Hyundai North EDSA ang kanyang P24,000.

Bukod doon, sa kanyang pagtatanong-tanong sa ibang branch/outlet ng Hyundai, nalaman niya na ang pagpapagawa ng aircon ay aabutin lamang ng P10,000 at hindi P24,000.

Dahil sa pagnanais na makabalik agad sa kanyang delivery service, walag kalaban-laban na tila ‘naholdap’ ng Hyundai North EDSA ang kabulabog natin.

Tsk tsk tsk…

Paging DTI, puwede bang pakiimbestigahan itong Hyundai North EDSA dahil sa ‘estilo’ nilang panghoholdap ng kanilang mga kliyente?!

Baka hindi lang ang kabulabog natin ang nabiktima ng Hyundai North EDSA. Baka marami pang iba!

Again, paging DTI!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Hataw Tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *