HINDI nabahala ang mga artista, politiko at personalidad sa walang habas na red-tagging na inilunsad ni Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., laban kina Angel Locsin, Catriona Gray, at Liza Soberano nitong mga nakalipas na araw dahil sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan na adbokasiya rin ng militanteng Gabriela Women’s Party.
Imbes matakot, bumuhos ang suporta ng mga artista sa Gabriela at isinatinig ang kanilang pag-ayuda sa ipinaglalaban ng progresibong grupo sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo.
Kabilang sa mga nagpadala ng kanilang pagbati at suporta sa pamamagitan ng video message ang mga mambabatas na sina Lipa Rep. Vilma Santos, Manila 6th District Rep. Benny Abante, Antique Rep. Loren Legarda, Laguna Rep. Sol Aragones, Rep. Geraldine Roman, at Rep. Gina de Venecia, Ilocos Sur SP Mika Singson, mga artistang sina Angel Locsin, Dimples Romana, Karla Estrada, Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, Yassi Pressman, Lorna Tolentino, Amy Perez, Vice Ganda, Tirso Cruz III, John Arcilla, Rowell Santiago, Cherrie Pie Picache, Lotlot de Leon, Agot Isidro, Marissa Sanchez, Whitney Tyson, Romnick Sarmenta, Mark Manicad, at iba pa.
Umaasa si Gabriela Women’s partylist Rep. Arlene Brosas na susuportahan ng mga artista at mga personalidad ang kanilang pakikipaglaban para sa mas malawak na proteksiyon sa kababaihan sa pagpapatupad ng Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-VAWC Law, Expanded Maternity Leave, at ang Occupational Safety and Health Law.
Isinusulong rin ng Partido ang mga amyenda sa Anti-Rape Law at maisabatas ang SHIELD BILL o ang panukalang tugon sa CoVid-19 at krisis sa ekonomiya na inihain ng Makabayan bloc.
Ilulunsad bukas ang National Day of Women’s protest at One Billion Rising 2021 sa Marikina City.
Rose Novenario