Thursday , December 26 2024

Machine-gun Tony

NAPAKARAMING bansag sa mga ‘pinakaastig’ sa pulisya at militar at kadalasang tumatatak sa mga pulis at sundalo ang mga alyas kahit pa matagal na silang nagretiro. Sa mga ibibigay kong halimbawa, madaling makikilala ng mahihilig sa action films ang ilan sa kanila dahil ang bansag ay nasa mismong titulo ng pelikula – Magnum, Rambo, Bato, Markang Bungo, Kidlat ng Maynila, at maging ang Dirty Harry.

Pagdating naman kay Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., hindi na ako magugulat kung sa kanyang pagreretiro ay baunin niya ang bansag na tatak Western, tulad ng “Machine-gun Tony.”

Pero hindi ito tumutukoy sa pagpatay sa sandamakmak na kaaway sa isahang pagpapaulan ng bala. Hindi, ah! Iyon ay para sa ratsada niyang pagsasalita at pagkilos na ala-machine gun.

Naiintindihan ko naman ang mabuti niyang intensiyon nang binalaan niya ang aktres na si Liza Soberano. Sinabi ni Parlade na nag-aalala lang siya na baka magamit daw ang aktres ng mga propagandistang makakaliwa sa tuwing nagsasalita siya tungkol sa pagbibigay-proteksiyon sa kababaihan laban sa karahasan at pang-aabuso. Iginigiit ni Parlade na ang Gabriela ay front daw ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mas makabubuti kung iwasan na niya ang grupong iyon kung ayaw niyang magaya sa sinapit ng iba na napatay sa pakikipagbakbakan sa militar.

Sabihin na nating may katotohanan, para sa punto ng argumento, na mayroon ngang mga organisasyong kaalyado ng mga komunistang rebolusyonaryo na namamayagpag sa bansa; nangangahulugan ba iyon na si Soberano – dahil sa pareho nilang mga adbokasiya – ay magiging amasona balang araw, nakasuot ng fatigue uniform, may bitbit na armas, hanggang sa pagbabarilin ng mga sundalo sa kagubatan? Ang isa bang katulad niya, o ni Angel Locsin, o ni Catriona Gray, o kahit sino, ay hindi maaaring makipaglaban para sa mga karapatan ng kababaihan o sumuporta kaya sa isang grupong nagsusulong ng parehong layunin, nang hindi awtomatikong binabansagan na komunista?

Nanindigan si Parlade na hindi siya hihingi ng paumanhin kay Soberano sa pagbibigay-babala niya, kahit ang tingin dito ng marami sa atin ay pinagbabantaan niya, at hindi simpleng pinapaalalahanan, ang aktres, na naba-bash na ngayon bilang ‘mapagmahal sa komunista.’ Hindi ba dapat na maging maginoo ang mga sundalo?

Para sa isang commanding general na tulad niya, na mahahakot ang buong Southern Luzon Command (SOLCOM) sa isang tawag lang, nagmula si Parlade sa isang organisasyon na sinanay upang makipagbakbakan sa mga armadong rebelde at pigilan ang anumang aktibidad ng mga terorista. Dapat na pagtuunan na lang niya ng pansin ang ganoon.

Hindi ko alam kung sinong nakaisip na gawin siyang tagapagsalita ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Mayroong 12 clusters ang NTF-ELCAC at isa lamang ang para sa puwersang pangseguridad dahil nauunawaan ng gobyerno na hindi solusyon ang militarismo upang tuluyan nang tuldukan ang 52-anyos insurhensiya. Nangangailangan ito ng solusyon mula sa lahat ng larangan – edukasyon, politika, socio-economic, sectoral, at iba pa. Ang isa sa mga clusters ay strategic communications na pinangungunahan ng communication specialists ng gobyerno na dapat magsalita para sa task force – hindi ang commander ng SOLCOM.

Ang obserbasyon ng kolum na ito, habang patuloy sa pagsasalita si Parlade, mas maraming karaniwang tao at lider politiko ang magkakaroon ng negatibong reaksiyon. Sa halip na makakuha ng kinakailangang suporta para sa NTF-ELCAC at simpatiya para sa militar, na napakatagal nang sumasabak sa digmaang ito, ang nakasasakit niyang mga salita ay tiyak nang magdudulot ng kabaligtaran sa dapat mangyari.

Sinabihan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Parlade “[to] stop issuing baseless accusations if he has no evidence to back his claims” – isang bagay na sumasalamin sa hindi pagkakasundo-sundo sa kanilang hanay. Samantala, prenteng nakaupo lang at tahimik silang pinapanood ng CPP.

Dapat marahil paalalahanan si Parlade na hindi awtomatikong mga komunista o tagasuporta ng puwersang makakaliwa ang mga aktibistang nakikipaglaban para sa pantay-pantay na karapatan. Mas mainam sigurong maupo na lang sa isang sulok ang heneral at kumanta ng “I have two hands, the Left and the Rights” – pero dapat na malayo siya sa mikropono at sa social media, please lang.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Hataw Tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *