ni ROSE NOVENARIO
SINOPLA ng Malacañang ang pahayag ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na dapat bawasan ang sahod ng mga guro dahil wala ‘umano’ silang ginagawa habang may CoVid-19 pandemic.
“Hindi po kami naniniwala na walang ginagawa ang mga guro at nagpapasalamat nga po kami ngayon sa mga guro dahil ang tagumpay po nitong blended learning ay nakasalalay din sa kanila ‘no,” tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa akusasyon ni Mamba laban sa mga guro sa Palace press briefing.
Sa naturang pulong-balitaan, ipinagtanggol din ni Education Secretary Leonor Briones ang mga guro na kahit ilang buwan na walang pasok sa paaralan, naging abala naman sila sa pagsasailalim sa training para sa blended learning.
Ang nga master teachers aniya ang gumawa ng modules habang ang mga school superintendent ay panay ang trahabo para sa learning continuity program.
Maaring hindi aniya pisikal na nagtuturo ang mga guro dahil may pandemya ngunit naging abala pa rin para sa pagsisimula ng klase nitong 5 Oktubre.