IPAMAHAGI ang mahigit P2 bilyong halaga ng gamot na malapit nang mag-expire at nakatambak lamang, gayondin ang medical, at dental supplies.
Direktiba ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) kasunod ng lumabas na Commission on Audit (COA) 2019 annual audit report na nagtatago ang DOH ng mahigit P2 bilyong halaga ng “expired, overstocked or nearly expired medicines as well as medical and dental supplies.”
“Ang mandato po ng Presidente sa DOH lalo iyong mag-i-expire na, paki-distribute na po nang hindi masayang at iyong mga overstock at slow moving naman po ay ilabas na po natin sa ating mga warehouse nang magamit ng ating kababayan,” sabi ni Roque sa virtual press briefing sa Malacañang.
Sinabi ng COA na ito’y bunga ng labis na paggasta ng DOH sa mga bagay na hindi ganoon karami ang pangangailangan.
Inirekomenda ng COA sa DOH na repasohin ang mga kontrata, lalo sa suppliers at maging maingat sa paggasta ng pera ng bayan, magpatupad ng estriktong timeline sa distribution/transfer ng inventories, at madaliin ang pamamahagi ng mga malapit nang mag-expire na mga gamot.
Walang binanggit si Roque kung dapat magsagawa ng imbestigasyon ang DOH sa isyu upang matukoy ang dapat managot. (ROSE NOVENARIO)