Monday , December 23 2024

Andanar, deadma sa korupsiyon sa IBC-13

ni ROSE NOVENARIO

BIGO ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na sugpuin ang korupsiyon sa kanyang administrasyon dahil nasa tungki lang ng kanyang ilong ang mga nagaganap na anomalya sa Intercontinental Broadcasting Corporation  (IBC-13) pero binabalewala ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

Ang pagbatikos sa anti-corruption campaign, kay Andanar at sa management ng IBC-13, isa sa attached agencies ng PCOO, ay ginawa ng IBC Employees Union (IBCEU) sa inilunsad na kilos-protesta sa loob mismo ng compound ng state-run television network sa Capitol Hills, Diliman, Quezon City noong Biyernes.

Lunch break nang sabay-sabay na lumabas ng kanilang mga opisina ang mga opisyal at kasapi ng IBCEU, taas kamao at hinawakan ang mga plakard na nagsasaad ng kanilang mga hinaing at kahilingan sa management at sa PCOO.

Ilan sa mga nakasulat sa placards ay: PCOO Sec. Andanar huwag bulag sa problema ng IBC workers!; Pangakong dagdag suweldo sa mga manggagawa dahil 10 taong walang CBA, ‘di tinupad ng IBC management!; IBC management bingi sa mga hinaing ng mga manggagawa!; PCOO bulag at bingi sa mga anomalya sa IBC 13!; Kontrata ng blended learning ng IBC at DepEd itinatago sa obrero!; P1.8-M RATA na isinama ng management sa kanilang suweldo, illegal – COA!; IBC 13 walang pera pero management nagpa­pakasasa!; IBC 13 i-priva ‘wag puro politika!; at OIC Corazon Reboroso walang puso sa mga empleyado!

Nauna rito ay ibinisto ng Commission on Audit (COA) sa 2019 Annual Audit Report nagkaroon ng illegal wage hike ang mga opisyal ng IBC-13 noong 2019 na umabot sa P1.817 milyon.

Natuklasan ng COA, ipinasok ng mga opisyal ang kanilang Representation and Transportation Allowance (RATA) sa buwan ng Mayo hanggang Disyembre 2019 sa kanilang basic salary makaraang nagpalabas ang COA ng Notice of Suspension dahil walang legal na basehan.

Inulit ng COA ang kautusan na ipawalang-bisa ang pinasok na joint venture agreement (JVA) ng IBC-13 sa pribadong property developer na R-II builders Inc./Primestate Venture Inc.

Anang COA, sa huling pagbabagong ginawa o third amendment sa JVA, naging pagbebenta ng lupain ng IBC-13 sa Capitol Hills sa Quezon City ang kasunduan noong 2016 imbes orihinal na layunin na magkasosyo lamang ang state-run network at R-II Builders sa proyektong La Rossa condominium na itinayo sa mahigit 3,000 ektaryang real property ng IBC-13 noong 2010.

Nakasaad din sa COA report na hindi ibinayad ng kompanya ang buwis na ikinaltas nito sa mga empleyado sa mga nakaraang taon na umabot sa P139.980 milyon hanggang noong 31 December 2019.

Malaking bahagi nito o P122,375,953 o 87.42% ay mula sa Withholding Tax Payable ng mga empleyado habang P17,603,982 naman ang Withholding Tax Payable-sa ilalim ng Presidential Decree 1351.

Natuklasan din ng COA na sa ikinaltas na buwis noong taong 2019, may kabuuang P2.437 milyon ay P63,686 lamang ang naibayad ng kompanya sa BIR at P278,213 ang nai-refund sa mga empleyado habang nasa P2.095 milyon ang hindi nai-remit.

Hindi lamang buwis na ikinaltas sa mga manggagawa ng kompanya ang hindi nai-remit sa BIR kundi maging ang Net Value-Added Tax (VAT) na nagkakahalaga ng P146.303 milyon ang unremitted sa BIR na paglabag sa Sections 105 at 110 ng National Internal Revenue Code (NIRC) kaya’t dagdag na interests, penalties at surcharges ang posibleng maipataw sa kompanya.

Pinuna rin ng COA ang posibilidad na mawala o malustay ang pera IBC-13 dahil hindi ito nakalagak sa authorized government depository bank.

Ayon sa COA, walang account ang IBC-13 sa authorized government depository bank na dapat paglagakan ng mga natatanggap na pera ng kompanya.

Sa halip ay itinatago lamang ito sa vault ng Treasury Division at safety deposit box ng Bank of Commerce.

Nang usisain ng COA ang Finance Division personnel, lumitaw na bagamat mayroong dalawang bank account ang kompanya hindi dito inilalagak ang pera upang maiwasan na ma-garnish ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa halip ay inilalagak ito sa vault ng Treasury Division habang ang iba naman ay nasa safety deposit box ng Bank of Commerce.

Kuwestiyonable rin, ayon sa COA, ang pagkakatalaga sa Manager ng Internal Audit Division na siyang tanging may access sa safety deposit box dahil walang maipakitang Board Resolution ang management.

Samantala, maaari umanong maikonsidera na hindi awtorisado ang paggasta ng kompanya ng kabuuang halaga na P 170.076 milyon bilang pondo sa kabuuang taon ng 2019.

Ayon sa COA hindi nagsumite ang IBC-13 ng Corporate Operating Budget (COB) nito para sa Calendar Year 2019 sa Department of Budget and Management (DBM) na kailangan base sa itinatakda sa ilalim ng sections 3.1 at 6.4 ng Corporate Budget Circular (CBC) No.20 dated 27 April, 2005.

Lahat ng kamalasadohan ng mga opisyal ng IBC-13 na taon-taon ay nabubuko ng COA ay hindi iniintindi ni Andanar.

Kahit minsan ay hindi kumilos si Andanar para paimbestigahan ang mga iregularidad sa IBC-13 at panagutin ang mga nasa likod nito mula nang maluklok bilang PCOO secretary noong 2016.

“Alam kaya ni Andanar ang esensiya ng command responsibility? Kung nag-aambisyon siyang maluklok sa Kongreso sa 2022, ang pagiging pabaya niyang pinuno ng PCOO ang barometro kung ano ang kasasapitan ng kanyang constituents kapag naging mambabatas siya,” galit na wika ng mga obrero.

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *