WALANG nakikitang kakaiba ang Palasyo sa pagbuhos ng pondo ng PhilHealth sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City kompara sa Metro Manila na itinuturing na epicenter ng coronavirus disease (COVOD-19) sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, base sa ulat ng Department of Health (DOH) ang SPMC ang pinamakalaking government hospital sa buong Filipinas na may 1,500-bed capacity at may 3,600 kawani.
“Last year, the hospital — total admissions are 76,586. There are also 586,278 outpatients in the same period,” paliwanag ni Roque sa kalatas kahapon.
“In addition, SPMC has several integrated specialty buildings which are stand alone, like the Heart Institute, the Institute for Women and Newborn Care, the Orthopedic and Rehabilitation Institute, the Cancer Institute, the Intensive Care Complex, and the main hospital for General Medicine and Surgery,” dagdag niya.
Ang SPMC aniya ang may pinakamalaking hemodialysis sa bansa na may 65 dialysis chairs at may pinakamalaking PhilHealth income na umabot na sa P1 bilyon.
“Its average income for 2018-2019 is P1.2-B and IRM (interim reimbursement mechanism) is based on the monthly average or the track record of reimbursement for 2018-19. Historically, SPMC has had the biggest amount of claims due to its regular provision of healthcare services to patients all over Mindanao,” dagdag ni Roque.
Noong nakalipas na Mayo, itinalaga ni Pangulong Duterte si dating SPMC Director Dr. Leopoldo Vega bilang undersecretary sa Department of Health (DOH).
Kaugnay nito, inihayag ni Infrawatch PH Convenor Teddy Ridon, tumanggap ang Davao Region ng PhilHealth COVID-19 funding na 10 beses na mas mataas kaysa Metro Manila kung pagbabasehan ang bilang ng populasyon ng dalawang rehiyon.
“How PhilHealth made the decision to allocate scarce resources to regions relatively unaffected by the coronavirus should be answered no less by DOH Secretary Francisco Duque and PhilHealth President Ricardo Morales. The very large per capita funding gap between Metro Manila and Davao indicates a funding policy unguided by actual case data,” ani Ridon. (ROSE NOVENARIO)
Sa nawawalang
P153-B pondo
PLUNDER VS
PHILHEALTH
OFFICIALS
– SOLON
PLUNDER ang dapat ikaso laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)
dahil sa natuklasang eskema kaugnay ng nawawalang mahigit P153 bilyon sa kaban ng ahensiya.
“And I submit to this committee, this in fact is plunder. ‘Yung bilyon-bilyong nawala ay plunder. At ang rekomendasyon ko kasuhan hanggang sa regional level dahil lalabas po riyan kung sinong ospital ang nakinabang, sinong kakutsaba dahil malinaw naman ang record ng Commission on Audit (COA) at madali itong maimbestigahan,” ani Defensor sa pagdinig ng dalawang komite sa Kamara kahapon.
Inilarawan ni House committee on public account chairman Mike Defensor ang modus operandi ng mafia sa PhilHealth sa pamamagitan ng all case rate policy.
“For Philhealth, this is the scheme of…sinasabing mafia because we know that on the regional level mayroon po kayong tinatawag na benefits regional claim na committee. At ‘yun po ‘yan, dahil nga may case rate setup, ibibigay na lang ‘yun sa finance,” ani Defensor.
Paliwanag ni Defensor: “…pagdating sa finance walang tanong-tanong dahil submitted ng region babayaran kaagad at pagdating po riyan lalabas na ang pondo para sa mga hospital.”
Aniya, napakabilis ang pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital sa mga rehiyon lalo sa mga pribadong pagamutan samantala ang mga government hospital ay pahirapan ang kanilang pagbabayad.
“Dahil ba rito sa eskema o scheme ng sinasabing mafia na kapag mayroong usapan sa isang region o ang isang regional officer sa isang ospital at may usapan sa taas, mabilis ang magiging bayaran?” tanong ni Defensor.
Sa naturang pagdinig, nabatid na mula 2013 hanggang 2018 gumastos ang PhilHealth ng P512 bilyon sa ‘all case rate policy’ at sa nasabing halaga ay mahigit P153 bilyon ang nawala sa gobyerno dahil sa natuklasan ng Commission on Audit (COA) na umaabot sa P102 bilyon ang overpayment at P51 bilyon ang nauwi sa korupsiyon.
Sa nasabing pagdinig, lumalabas na ang pneumonia, gastroenteritis, urinary tract infection, at kalaunan ay dialysis patients na ang malimit o paboritong pagkakakitaan ng mafia sa PhilHealth at mga kasabwat na hospital.
Ayon kay Defensor, 2013 pa lamang, bilyon-bilyon ang binabayaran ng PhilHealth sa mga sakit na pneumonia, gastroenteritis, UTI, at sa dialysis ng mga pasyente.
Pagdating ng 2014, P7.6 bilyon ang ginastos ng PhilHealth sa pneumonia; P1.5 bilyon sa UTI at P1.3 bilyon sa Gastroenteritis at nadagdagan pa ng eskandalo sa cataract operation na ginastosan ng P3.7 bilyon.
Noong 2015, umakyat sa P9.7 bilyon ang binayaran ng PhilHealth sa pneumonia; P2.5 bilyon sa gastroenteritis; P2.1 bilyon sa UTI; at P6 bilyon sa dialysis at bahagyang bumaba sa 2016 na mas bigla ang pagtaas ng binayaran sa dialysis dahil umaabot sa P8 bilyon ang ginastos.
Noong 2017, umabot sa P10.2 bilyon ang binayaran ng PhilHealth sa pneumonia; gastroenteritis, P1.8 bilyon; UTI, P1.5 bilyon ngunit kinuwestiyon ni Defensor ang datos ng PhilHealth dahil umaabot sa 707,000 ang nagkasakit ng pneumonia gayong ang nasa record ng Department of Health (DOH) ay 454,000 lamang ang nagsakit nito noong 2017.
“‘Yan po ay tanong ko rin sa DOH. Bakit hindi po nila nakita? 454,000 ang may sakit ng pneumonia sa DOH, sa Philhealth 707,000, at P10.2 bilyon ang binayarang pondo para riyan,” ani Defensor.
“Ang dialysis po natin naging consistent na at 1.6 million claims from 800 claims in the past,” ani Defensor ngunit hindi sinabi kung magkano ang binayaran ng PhilHealth sa nasabing sakit.
Lalong nadagdagan ang dialysis claims sa PhilHealth noong 2018 dahil umabot ito sa 2.2 milyon mula sa 1.6 milyon noong 2017 at tumaas umano sa P2 bilyon ang binayaran sa gastroenteritis at P2.1 bilyon naman sa UTI. (GERRY BALDO)