TABLADO sa Palasyo ang rekomendasyon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Gilbert Gapay na isama sa implementasyon ng Anti-Terror Law ang social media regulation.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang probisyon sa Anti-Terror Law na magagamit laban sa social media.
“Unang-una po opinyon po iyan ni General Gapay. Dahil binasa ko naman po ang Anti-Terror Law wala pong probisyon doon na magagamit laban sa social media. Ang mayroon po riyan iyong ating cybercrimes law ‘no. May probisyon po riyan, pero subject po iyan sa authority na ibibigay ng ating hukuman,” sabi ni Roque sa Palace press briefing kahapon.
Inihayag ni Gapay na ipapanukala ng AFP na isama ang mga espesipikong probisyon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terror Law ang regulasyon sa social media dahil nagagamit aniya ang social media sa pagpapalaganap ng terorismo at ang military ang nangunguna sa paglaban sa terrorist groups.
“We’ll be providing some inputs on countering violent extremism and likewise, maybe regulating, even regulating social media because this is the platform now being used by terrorists to radicalize, to recruit and even plan terrorist acts,” ani Gapay.
Kaugnay nito, itinuturing ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang social media regulation na panukala ni Gapay bilang pagpatay sa freedom of expression kaya’t dapat ideklara ng Supreme Court ang Anti-Terror Law na laban sa Saligang Batas.
“Social media has given so many once voiceless Filipinos a platform to openly air their views on matters of public interest. Yet it is not inconceivable that a president who abhors criticism and dissent to the point that well-intentioned pleas are interpreted as calls for ‘revolution’ would consider this an existential threat,” anang NUJP sa isang kalatas.
Sa ilalim anila ng umiiral na demokrasya sa bansa ay mas kailangan ang mas maraming kalayaan.
Giit ng NUJP, hindi nila kinukuwestiyon ang kampanya ng pamahalaan kontra terorismo ngunit hindi magtatagumpay ito sa pamamagitan nang pagsikil sa mga Karapatan at kalayaan ng mga mamamayan. (ROSE NOVENARIO)