MISTULANG nakaranas ng last song syndrome (LSS) si Pangulong Rodrigo Duterte sa protest song na “Di Niyo Ba Naririnig” kaya hinamon niya ang healthworkers na maglunsad ng rebolusyon laban sa kanyang administrasyon.
Inamin ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kahapon.
“Meron po kasi parang kumakalat na kanta ng rebolusyon na pinangungunahan po ng mga kritiko ng gobyerno. So, ‘yun po ‘yun. Ang sabi niya, ‘huwag na nating pahabain ang proseso, kung gusto ninyo, ngayon na,’” aniya.
Ayon sa clinical psychologist na si Seema Hingoranny, ang LSS ay “an experience or an inability to dislodge a song that is last heard and prevent from repeating itself in one’s head is called Last song syndrome.”
Lingid sa kaalaman ni Roque , ang awitin “Di Niyo Ba Naririnig” ay Filipino version ng “Do You Hear the People Sing,” isang kanta mula sa Les Misérables, na madalas patugtugin sa mga kilos protesta ay nagsimula noong National Day of Protest, 21 Setyembre 2017 at hindi nito lamang nakaraang mga linggo.
“Ang konteksto po na lumabas ito ay sunod-sunod po kasi ‘yung pagtawag ni [Senator] Drilon na failure ang IATF [Inter-Agency Task Force], sinusugan po ‘yan ni VP Leni Robredo kasabay po ‘yang kumakalat na revolution song,” sabi ni Roque.
Sa kanyang public address noong Linggo ng gabi ay ipinagkaloob ni Pangulong Duterte ang hirit ng health workers na isailalim sa mas mahigpit na lockdown ang National Capital Region ngunit binatikos niya ang pagsasapubliko ng kanilang apela imbes ipadala muna sa kanya ang liham at hinintay sana ang kanyang tugon.
“Bagama’t ibinigay po niya ang ninanais ng mga frontliners, nagtataka siya, bakit he was the last to know about the demand,” ani Roque.
“Dumating sa kanya ang liham, alas kuwatro ng hapon. Pero alas diyes ng umaga, nagkaroon ng public webinar. And the day before, may request pa for media coverage. At saka ‘yung liham mismo kay Presidente the day before, kalat na bago pa dumating sa Presidente ,” dagdag niya.
Ayon kay Philippine College of Physicians (PCP) vice president Dr. Ma. Encarnita Blanco-Limpin, pagkakaisa at hindi rebolusyon ang gusto ng kanilang hanay upang labanan ang pandemyang COVID-19.
“Hindi naman kami nagsabi ng rebolusyon. Inilinaw din namin na hindi kami nakikipag-away o nakikipag-gera sa gobyerno. Ang pinakagusto talaga namin solidarity, unity, ‘yung combating the COVID-19 pandemic. Hindi ho rebolusyon ang hinihingi namin,” ani Limpin. (ROSE NOVENARIO)