PINAGTAWANAN ng Malacañang ang panukalang kunin ng pamahalaan ang mga tsismoso’t tsismosa sa pamayanan para maging contact tracer dahil ang gawaing ito’y para sa mga may kaalaman sa criminal investigation — upang matunton ang mga nakahahalubilo ng mga taong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19)
Ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque ay reaksiyon sa sinabi ni Philippine National Police (PNP) Region 7 director P/BGen. Albert Ignatius Ferro na maaaring makatulong ang mga tsimosa sa pamayanan bilang contact tracers.
“Ang importante po talaga ay mayroong background sa investigation lalong-lalo ang criminal investigation. Kasi ang contact tracing wala raw pagkakaiba sa criminal investigation .So imbes siguro mga chismoso e, mag-train na lang iyong mga pulis kung paano ginagawa nila sa imbestigasyon nang magamit po ng mga kukunin nating mga contact tracers,” ayon kay Roque.
Gayonman, aminado si Roque na walang espesyal na kalipikasyon para maging contact tracer, kailangan lamang aniya ang isang tao ay marunong mag-isip, marunong mag-analisa para makita niya kung sino talaga iyong network na nakahalubilo ng isang tao na nagpositibo sa COVID-19.
Kamakailan ay hinirang ng Palasyo si Magalong bilang contact tracing czar sa kampanya ng administrasyon laban sa COVID-19. (ROSE NOVENARIO)