KAILANGAN pag-aralan nang husto ng Kongreso kung pahihintulutang maglaan ng mahigit P1 bilyong budget upang maging official channel ng Department of Education (DepEd) ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) para sa TV-based learning sa ilalim ng mga bagong patakaran na ipinaiiral sa sitwasyong ‘new normal.’
Ito ang panawagan ng ilang concerned citizens bunsod ng sinasabing mga iregularidad sa pananalapi sa state-run TV network sa mga nakalipas na taon.
Nabatid sa 2018 annual audit report ng Commission on Audit (COA), hindi nagbabayad ng buwis ang IBC-13 sa Bureau of Internal Revenue (BIR), may pagkakautang na P26.453 milyon sa kawanihan sa nasabing taon dahil hindi kinaltasan ng withholding tax ang sahod ng kanilang mga regular na empleyado.
Tila sinadya ito ng management dahil itinala ang “salaries and wages” bilang ‘Cost of Production Materials’ upang makaiwas sa pagbabayad sa BIR, ayon sa COA.
Batay sa report, tumanggap ng P2.070 milyon ang mga opisyal ng IBC-13 noong 2018 bilang Representation and Transportation Allowance (RATA) kahit walang staffing pattern ang state-run TV network sa Department of Budget and Management (DBM) National Budget Circular No. 546.
Anang COA, masyadong malaki ang tinanggap na RATA ng mga opisyal ng IBC-13 kompara sa authorized monthly rates na inilabas ng DBM, halimbawa ang President at Chief Executive Officer ay tumanggap ng P50,212.92 kada buwan; at Human Resources and Admin Manager P26,028 bawat buwan.
Ang tinanggap ng President at CEO na RATA ay di-hamak na labis sa maximum authorized monthly rate na P28,000.
Pinuna ng COA ang pagbibigay ng gasoline allowance sa mga ehekutibo ng IBC-13 na umabot sa P747,420 kahit pa tumanggap na sila ng buwanang RATA kaya’t kailangan nilang ibalik sa kaban ng state-run network ang gasoline allowance.
Napag-alaman ng COA na nagsinungaling ang Finance Department ng IBC-13 nang ideklara na wala siyang minamantinang account sa alinmang depository bank.
Ayon sa Accounting personnel, inactive ang kanilang account sa isang banko dahil sa Garnishment Order ng BIR ngunit nabisto ng COA sa beripikasyon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na aktibo ang naturang bank account mula 2012 hanggang 2017.
Dahil magulo ang estado ng pananalapi at financial records ng IBC-13, posibleng magkakaroon ng problema sakaling maaprobahan ang P1.5 bilyong DepEd project.
Tumatayong officer-in-charge ng state-run TV network si Corazon Reboroso na siyang HR and Admin manager habang si David Fugoso ang hepe ng Finance Department at Corplan OIC. (ROSE NOVENARIO)