DOON sa ginawang noise barrage at motorcade rally para sa ABS-CBN noong isang gabi, mukhang ang pinakasikat nilang speaker ay si Angel Locsin. Si Angel ang talagang matapang na nagsasalita laban sa mga taong pumigil sa pagbibigay ng bagong franchise ng ABS-CBN.
Pero may isang bagay kaming pupunahin sa sinabi ni Angel. May ilan ding artista, kabilang na ang mga box office star na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na naroroon din sa rally, kasama ng iba pa. Pero mas maraming stars nila ang wala roon. Iyon ang binanatan ni Angel, dahil sinabi niyang ang mga kasama niyang artists ay nakinabang ding lahat sa ABS-CBN at kinukuwestiyon niya ang hindi pakikilahok ng mga iyon sa mga kilos protesta para maibalik ang franchise ng network.
Pero unawain natin, ang bawat isa ay may paraan para maipakita ang kanilang simpatiya. May mga taong hindi talaga sanay niyong nagtatatalak sa kalsada, pero hindi nangangahulugan iyon na hindi sila nakikiisa. Ano naman ang malay ninyo sa ginagawa nilang pagkilos. Sino ba ang makapagsasabing dahil sila ay nananahimik lamang ay wala silang ginagawa?
Siguro nga pare-pareho naman silang makikinabang kung mabuksan ngang muli ang network, lahat naman sila ay pare-parehong nakinabang na rin noong panahon ng kasagsagan niyon. Pero hindi dapat kuwestiyonin ng kahit na sino ang paraan ng pakikisimpatiya ng bawat isa sa kanilang network. Hindi dahil sa hindi sila sanay sa mga rally ay wala na silang pakialam. Hindi lang iyang rally, at noise barrage na ginagawa nila ang paraan. In fact, napupulaan pa nga iyan dahil hindi nasusunod ang kailangan ngayong “social distancing” sa totoo lang, kami man ay hindi naniniwalang ang problema nila sa franchise ay masosolusyonan ng kanilang mga rally at social media posts. Baka nga iyon pa ang nakasira sa kanila eh. Baka iyon pa ang dahilan kung bakit nabansot ang kanilang application for franchise.
HATAWAN
ni Ed de Leon