BAGAMAT binigyan lamang ang ABS-CBN ng 24 oras para iapela ang naging desisyon ng mababang kapulungan ng kongreso sa kanilang franchise application, dahil ang mga sumunod na araw ay Sabado at Linggo, ibig sabihin hanggang ngayon sana ay maaari silang umapela kung gusto nila.
Pero sa tono ng salita ng marami sa kanila na maghihintay na lang sila ng 2022, ”kung kailan iba na ang mga namumuno sa bansa,” bago sila humingi ng panibagong broadcast franchise, ibig sabihin hindi na sila aapela. Mahirap din naman kung aapela sila. Napakahirap mabaliktad ang botong 70-11. Ibig sabihin mula sa hanay ng mga bumoto pabor sa pag-aalis ng kanilang frachise, mga nag-abstain at nag-inhibit, kailangang makakuha sila ng 36 na boboto pabor sa kanila para madagdag sa kanilang 11 at makuha ang mayorya ng mga kongresistang kailangang bumoto. Iyang mga ganyang sitwasyon ang masasabi ngang “milagro” ang kailangan para mangyari.
May mga insider na nagsabi sa amin, totoong maraming pabor na bigyan sila ng franchise ang umurong nang marinig ang mga matitinding issues. Mas marami rin daw sa mga dating pabor na mga congressman ang tila nainis sa aroganteng mga statement ng mga supporter ng ABS-CBN sa social media, na tila tinatakot pa sila. Ang iba roon ay identified daw na mga “makakaliwa,” samantalang ang mas marami ay sinasabi nilang identified na mga “tauhan ng ABS-CBN.”
Kaya nga sinasabi ng aming source na maling idea ang naisip nila na kalabanin pa ang mga miyembro ng kongreso na hinihingan nila ng pabor. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga inaasahang kakampi nila ay hindi na kumampi. May mga artistang kagaya nina Cong. Yul Servo Nieto, Cong. Dan Fernandez, at Congw. Precious Hipolito Castelo na hindi rin bumoto ng pabor. Hindi rin bumoto ng pabor sa kanila si Cong. Strike Revilla na kapatid ni Senador Bong. Dinikdik pa sila ni Congressman Boying Remulla, na kapatid ng dating ABS-CBN reporter na si Gilbert Remulla. Bakit pati ang mga inaasahang kakampi sa kanila ay bumaliktad.
Maski nga si Cong. Vilma Santos, hindi maintindihan kung bakit kumaunti sila.
HATAWAN
ni Ed de Leon