UMAKYAT sa 1,420 ang kaso ng COVID-19 sa Taguig City, matapos makapagtala ng tatlong kompirmadong kaso ang lungsod.
Umabot sa 73 ang panibagong suspected cases mula sa hanay ng construction workers na unang isinailalim sa localized quarantine ang kanilang construction site sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig mula noong 23 Hunyo.
Ang total cases sa nasabing construction site ay umabot sa 327 matapos i-test ang lahat ng construction workers sa lugar.
Ang pagtaas ng mga kompirmadong kaso sa barangay Fort Bonifacio nitong mga ilang nakaraang araw ay resulta ng desisyon ng lokal na pamahalaan na matukoy ang mga positibo at i-contain ang virus.
Ang mga nagpositibo ay na-isolate na at mino-monitor sa mga pasilidad na masasabing isang contained area.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Taguig, patuloy silang nagsusumikap upang matiyak ang kaligtasan ng mga Taguigeño at ng buong komunidad laban sa COVID-19.
Sa kabuuan, simula 27 Enero hanggang 8 Hulyo 2020, naitala ng Taguig ang 23 namatay dahil sa virus habang nasa 186 pasyente ang nakarekober at gumaling.
Samantala, kahapon ay pinulong ni Taguig City Mayor Lino Cayetano at Vice Mayor Ading Cruz, Jr., ang lahat ng mga Konsehal at mga Kapitan sa buong Taguig kasama ang Safe City Task Force at ilan pang kawani ng pamahalaang lungsod upang patuloy na magkaroon ng ugnayan sa pagpuksa sa krisis dulot ng COVID-19 virus.
Inilunsad sa Taguig ang SMART testing o ang Systematic Mass Approach to Responsible Testing na nakapaloob ang barangay-based testing at ang drive-thru testing upang mas mapalawak ang testing capacity ng lungsod.
Maaaring makapagsagot ng self-assessment form sa www.taguiginfo.com o tumawag sa COVID hotline at health centers.
Patuloy na umiikot ang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) katuwang ang Taguig City Containment Team para ma-monitor at ma-contain ang mga COVID-19 cases sa lungsod.
Hinihingi ng Taguig City government ang kooperasyon ng bawat isa para masubaybayan ang lahat ng kaso at mapigilan ang pagdami pa ng COVID-19 cases.
Para sa mga katanungan o concern, tawagan ang Taguig COVID-19 hotline sa 8-789-3200 o sa 0966-419-4510.
“Magbayanihan po tayo para labanan ang COVID-19,” panawagan ni Mayor Lino. (JAJA GARCIA)