IYONG 1,300 gallon ng alcohol, kayang-kayang bayaran iyon ni Angel Locsin. Siguro naman sa katayuan niya sa buhay, masasabing “maning-mani” na lang sa kanya ang ganoong halaga. Nakabuo nga siya ng mga tent na ang halaga ay P11-M. Ngayon nakakapagpa-mass testing siya ng mga pasyente. Bakit hindi niya mababayaran iyong 1,300 na gallon ng alcohol?
Ang isa pang punto, kung si Angel kaya ay nangangailangan ng alcohol na ganoon karami, oorder ba siya on line? Bakit niya gagawin iyon eh endorser siya ng isang pharmaceutical company na gumagawa rin ng alcohol. Kung kailangan niya ng alcohol, baka hindi pa niya bilhin iyon. Tiyak iyon ido-donate na lang ng pharmaceutical company. At iyon ay branded pa.
Isa pang punto, hindi nakausap ng seller ng alcohol nang personal si Angel. Ni hindi niya nakausap kahit na sa telepono man lang. Naka-chat niya sa internet, at doon nag-order. Paano ka nasiguro na si Angel nga ang ka-chat mo eh ang daming poser account? Bakit hindi sila nagsiguro, eh kung iyon ngang food delivery lang may naloloko pa eh.
Ang sinasabi ni Angel, naniniwala siya na ang supplier ay naloko ng kung sino na gumamit ng kanyang pangalan. Naaawa siya sa supplier nang mabalitaan niya iyon at naisip niyang kahit na hindi siya ang nag-order talaga, babayaran na lang niya iyon. Kawawa naman iyong maliit na negosyante.
Pero ang ginawa niyong supplier, aba nagpunta agad sa pulis at ipinagharap ng sumbong si Angel. Natural maiinis iyong tao, at ngayon ang sinasabi nga niya aba eh, kailangang patunayan nila na siya ang sinasabi nilang “nanloko” dahil kung hindi, maaari pa niyang balikan ng demanda iyon dahil sa nakasisirang ginawa sa kanya.
Kasi naman bakit hindi muna nilinaw eh, basta tumakbo sa pulis agad.
HATAWAN
ni Ed de Leon