GINAYA ni Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease member at DILG Secretary Eduardo Año ang “Goma’s formula” o ang pagbabawal ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa home quarantine para labanan ang coronavirus disease (COVID-19).
Inihayag kahapon ni Año, hindi na papayagan na isailaim sa home quarantine ang COVID-19 patients sa Cebu at ilalagak sila sa isolation facility.
Aniya, halos kalahati ng 4,000 COVID-19 cases sa siyudad ay naka-home quarantine.
“All positive cases, whether asymptomatic or mild, should be placed in isolation facilities,” sabi ni Año sa DZMM.
Hindi aniya nakatitiyak kung sinusunod ng pasyente ang tamang protocols kapag nasa bahay.
Noong Huwebes ay sinabi ni Gomez na hindi siya pabor sa home quarantine’ para sa returnees sa kanilang siyudad mula sa Metro Manila at iba pang karatig lugar.
Sinabi ng alkalde na mas malaki ang tsansa na kumalat ang coronavirus disease (COVID-19) at magkaroon ng community transmission kapag ipinatupad nila ang home quarantine sa kanilang siyudad.
Katuwiran ni Gomez, sa kulturang Pinoy, kalimitan ay mahigit sa isang pamilya ang nakatira sa isang maliliit na bahay kaya malaki ang tsansa na magkahawaan sila at makapagkalat ng sakit sa paglabas nila. (ROSE NOVENARIO)