NATUWA kami sa pagbabalitang ginawa ng 24 Oras sa pagkamatay ng acting legend na si Anita Linda, na inisa-isa ang lahat ng mga magagandang pelikulang nagawa niya. Favorite actress ng ermat ko iyang si Anita. May isa lang silang nakalimutan, hindi nila naikuwento kung paano siya na-discover ng national artist na si Lamberto Avellana.
Ang kuwento sa amin ni Aling Alice (totoong pangalan ni Anita), na nakausap namin sa set ng isa niyang pelikula mga 20 taon na ang nakararaan, at itinuturing naming isang pribilehiyo iyong makausap nang personal ang isang acting legend. Sabi niya nanonood siya ng vaudeville sa Avenue Theater sa Avenida Rizal nang makita siya sa audience ni director Avellana. Ipinatawag siya ng director at inalok na mag-artista. Ayaw niya noong una dahil Bisaya siya, at hindi magaling mag-Tagalog. Noong hindi na siya magbalik, ipinasundo siya ni direc Avellana, at isinama sa isang vaudeville drama na wala siyang dialogue noong una.
Suwerte rin si Aling Alice, dahil ipinagmamalaki niyang nakatrabaho ang tatlong national artists na director, sina Avellana, Gerry de Leon, at maging si Lino Brocka. Naging director din niya sina Mike de Leon, Chito Rono, at maging si Mario O’Hara. Mayroon din naman siyang nakasamang iba pang mga director. Sa loob ng 77 years ay may nagawa rin naman siyang hindi magagandang roles, at mga walang kawawaang pelikula, pero huwag na nating isa-isahin pa ang mga iyon. Hindi nga maganda eh. Kalimutan na natin lahat iyon.
Umagaw sa mga headline ang pagyao ni Anita. Hindi mo naman mai-aalis iyon. Maaaring hindi na siya masyadong kilala ng kasalukuyang henerasyon, pero hindi natin maikakaila na isa siya sa mga kinikilalang bituin ng industriya sa buong panahon noon.
HATAWAN
ni Ed de Leon