LIBRE ang rapid test kits na gagamitin sa mga pulis upang malaman kung sila’y positibo sa coronavirus disease (COVID-19) ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, binayaran na ng gobyerno ang rapid test kits para sa mga pulis.
“Ang pulis po ay libre, binayaran na po ang rapid test kits ng gobyerno,” pagtitiyak ni Roque sa virtual press briefing kahapon.
Ngunit kamakailan, nabunyag na isang opisyal ng PNP na nakatalaga sa isang siyudad sa hilagang bahagi ng Metro Manila ang naningil ng P750 kada isang pulis na nakatalaga sa kanyang unit para umano sa rapid test kit na gagamitin sa kanila.
On the spot na hiningan umano ng P750 cash ng opisyal ang kanyang mga tauhan ngunit hanggang ngayon, ni anino ng rapid test kit ay walang maipakita.
Ikinatuwiran ng opisyal na hindi pa raw dumarating ang rapid test kits kaya nakatago lang umano ang pera.
Sa ginanap na virtual Senate hearing kamakalawa, ibinunyag ni Sen. Franklin Drilon na may overpricing sa halagang P8,150 na ikinakarga ng PhilHealth sa bawat miyembrong isasailalim sa COVID-19 test sa public o private laboratory dahil ang commercial price nito sa China ay P1,500 lamang. (ROSE NOVENARIO)
Sa Philippine Red Cross
COVID-19 TEST
LIBRE SA DUKHA;
MAY BAYAD
SA KUMIKITA
KAILANGANG isailalim sa pagsusuri ang 13 porsiyento ng populasyon sa Metro Manila upang matiyak kung gaano kalawak ang nahawaan ng coronavirus (COVID-19) sa kasalukuyang pandemya.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ang nasabing porsiyento ay katumbas ng 1.6 milyong katao sa Kamaynilaan.
Paliwanag ni Gordon, payo ito ng World Health Organization (WHO) dahil ang Metro Manila ang itinuturing na epicenter ng COVID-19 outbreak sa bansa.
Kung gagawin umanong 13.5% ng populasyon ng buong Filipinas ang isasailalim sa test ay aabot ito sa 12.4 milyong Filipino kaya sa ngayon ang target ng pamahalaan ay 2.5% ng populasyon sa buong bansa o 2 milyon na Filipino.
Target maisagawa ang COVID-19 test kada araw ngunit hindi ito kayang bayaran lahat ng gobyerno kaya ang mahihirap na mamamayan ang maaari nilang sagutin.
Ang ilang nangangailangan ng pagsusuri ay maaari umanong ipasagot sa mga pribadong negosyante at mga indibiduwal na kaya namang magbayad ng test.
Si Gordon, ang chairman ng Philippine Red Cross (PRC), na nakapagsagawa ng 47% COVID-19 test sa buong kapuluan.
Nabatid na P3,500 ang bayad sa COVID test at dagdag na P500 kung hihingi ng certification kung gagamitin para sa trabaho.
Maaari umanong i-reimburse sa PhilHealth ang P3,500. (CYNTHIA MARTIN)