NAGPAHAYAG ng pagkadesmaya si Angel Locsin nang malaman niyang hindi pala magkakaroon ng mass testing para sa Covid-19, na siyang pinaniniwalaan ng marami na siyang tanging paraan para mai-isolate kung sino man ang infected at maiwasang kumalat ang virus. Ang nangyari kasi sa atin, dahil walang testing ay kailangang ikulong ang lahat sa kanilang mga bahay para huwag silang mahawa, at dahil diyan tumigil naman ang industriya at bagsak ang kabuhayan. Iyong ayuda naman ng gobyerno ay hindi sapat sa mga apektado, bukod pa nga sa marami pang naging “hokus-focus” sa ayudang iyan.
Pero hindi tumigil si Angel sa pagkadesmaya lang. Nagsimula na naman siya ng isang fund drive para makabili ng test kits at makapag-mass testing kung hanggang saan man ang maabot nila. Muling ini-launch ni Angel iyong proyekto niyang Shop and Share na una niyang ginawa noong panahon ng Ondoy.
Nanghingi siya ng mga item mula sa mga kapwa artista at iba pang personalidad, ipinagbili ang mga iyon at ang napagbilhan, iyan ang gagamiting pambili ng test kits na gagamitin sa mass testing. Idadaan iyan ni Angel sa Red Cross.
Una, hindi naman maikakaila na si Angel ay bahagi na ng Red Cross. Pangalawa, ang testing na ginagawa ng Red Cross, bukod sa mas mabilis ang resulta ay P1,000 lang ang halaga. Iyong sinasabi ng Philhealth P8,000 ang gastos, matagal pa ang resulta.
Tingnan natin kung makakalikom nga ng sapat na halaga ulit si Angel para sa balak niyang mass testing na iyan. Katatapos lang kasi niyang mag-fund raising para makagawa ng mga tent para sa mga frontliner at dagdag na quarantine space para sa mga Covid1-9 patients at nakakuha na siya ng P11-M donasyon para roon. Sana naman may tumulong pa kay Angel.
HATAWAN
ni Ed de Leon