NAKALUSOT on second reading sa lower house ng Kongreso ang isang panukalang batas na nagbibigay sa ABS-CBN ng isang provisional franchise hanggang sa Oktubre ng taong ito. Pero hindi rin mabilisan iyan, dahil iaakyat pa nila iyan sa Senado, at kung totoo nga na basta iniakyat iyan sa Senado ay sigurado namang lulusot, kailangang ipadala pa rin iyan sa Malacanang para maging ganap na batas.
Kung iyan ay talagang mamadaliin, siguro nga tama si Speaker Allan Cayetano na maaaring magbukas na ang ABS-CBN sa susunod na buwan. Iyon ay kung walang magiging problema ang batas na iyan. Pero may mga oppositor kaya hindi pa rin natin masasabi.
Nakalulungkot din dahil wala pang kasiguruhan iyan. Sigurado lang na bukas sila hanggang Oktubre. Hanggang Oktubre lang din kasi speaker si Cong. Cayetano, dahil kung masusunod ang kasunduan ay papalitan na siya sa buwang iyan ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco. Hindi na nga naman niya masasagot iyon.
Hindi tayo sigurado kung bago matapos ang provisional franchise ay maipalabas na nila ang panibagong 25 year franchise ng ABS-CBN na matatapos na sa 2045. Siguro iyon nga ang sisikapin nilang gawin sa loob ng mga panahong iyan, kung hindi magkakaroon ng malakas na oposisyon.
Sa ngayon kasi may mga lumalabas na namang mga bagong issue, na bagama’t masasabi naman nating legal lahat, may kumukuwestiyon pa rin sa paggamit ng mga legal na pamamaraang iyon. May nasasabi kasing legal nga pero nakalalamang ang kompanya lalo na sa pagbabayad ng tax.
Tiyak na iyan ay magiging isang mahabang diskusyon para sa mababang kapulungan ng kongreso, at tama naman ang sinabi ni Speaker Cayetano na hindi magiging “instant” ang bagong franchise na kailangan ng ABS-CBN, dahil nag-expire na nga iyong dati. Hindi na masasabing extension iyan ng dating franchise, kundi isang bagong franchise na ang kailangan.
HATAWAN
ni Ed de Leon