Kumusta?
Noong Mayo 5, tumigil sa pag-iral ng ABS-CBN.
Tila huminto rin sa pag-inog ang mundo na katatapos pa lamang magdiwang ng World Press Freedom Day noong Mayo 3.
Idineklara kasi ng United Nations General Assembly
ang araw na ito upang itaguyod at ipaglaban ang isang nagsasarili, pluralistiko, at malayang pagpapahayag na mahalaga sa pag-unlad at pananatili ng demokrasya ng isang bansa, alinsunod sa Article 19 ng Universal Declaration of Human Rights.
Daigdig ang saksi sa kadakilaan ng mga peryodista ngayong pista ng peste.
Mas madalas kaysa hindi, palagi kasing
nakakaligtaan na sila mismo ay frontliner.
Lahat ng pamamahayag sa print, brodkast, o online.
Gaya ng editor ng pahagayang ito na si Gloria
Mercader-Galuno de Orozco na sumulat ng dagling gamit ay 19 na salita:
“Kita man ang langit dito sa bayside, kalam ng sikmura’y mas dinig kaysa hampas ng alon mula sa dagat.”
O, ni Gigi Go na nag-tweet ng diona ukol sa kaniyang dilemma:
“Journo ay work from home nga,
Sa dami ng balita
Anak ay di alaga.”
O ni Arnel Mutia Mardoquio na nag-ulat tungkol sa buhay-OFW sa Australia:
“Maraming workplace na nagsara at maraming Pinoy migrants ang naapektuhan.
Lalo na ang international students dahil sila ang labor force sa service industry, coffee shops, restaurants, etc.”
Ibinubuwis nila ang kani-kanilang buhay sa paghahatid sa atin ng sariwang balita at lathalain.
Gayong karamihan sa kanila ay walang hazard pay at iba pang maituturing na amelyorasyon.
Kahit paano, kinilala ang ganitong uri ng kabayanihan — sa panahon ng bayanihan — sa pahayag ni Senator Francis Pangilinan: “Magtiwala tayo sa kakayahan ng mga mamamahayag na magpakalat ng tama at kapaki-pakinabang na impormasyon. Sa panahong lahat ay online at nagpapalipas ng oras sa internet, mas matindi ang paglaganap ng fake at misleading na mga balita.”
Mistulang tugon ito sa mensahe noong Mayo 1 ni United Nations Secretary-General Antonio Gutierres na ihinambing ang press sa antidote o pangontrang wastong impormasyon tungkol sa coronavirus disease (COVID-19) laban sa lason ng “second pandemic of misinformation,” mula sa maling abisong medikal hanggang sa kung ano-anong “conspiracy theories.”
Kaya, noong Araw ng mga Manggagawa, nanawagan siya sa mga gobyerno para pangalagaan ang media workers upang maging malakas at mapanatili ang kalayaan sa pagpapahayag, na napakahalaga sa isang bukas na may kapayapaan, katarungan, at karapatang pantao.
Maaalalang sa Russia, India, at Vietnam, may tunggalian sa pagitan ng mga aktibista at mga troll na ang armas ay disimpormasyon sa social media.
Sang-ayon sa Reporters Without Borders, nitong Abril tayo ay bumagsak o bumaba ng dalawang baitang.
Sa World Press Freedom Index, ang Filipinas ay ika-136 sa 180 bansa.
Doon at noon nagkatinginan ang mga Filipinong mamamahayag.
Lalo na ang mga nasa organisasyon pang-media kaparis, halimbawa, ng Rappler na nakatanggap ng bigay-sala at sakdal mula sa pamahalaan.
Kung kaya, hindi mawala-wala ang hinala na may kinalaman ang gobyerno nang mag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order laban sa ABS-CBN matapos mag-expire ang congressional franchise ng nasabing network kaya pinatigil ang lahat ng operasyon nito sa telebisyon at radyo.
Nandoon pa rin ang pagdududa, kahit pa ang pinagbatayan ng desisyon ng NTC ay ang Republic Act No. 3846 — o ang Radio Control Law — na nagsasabing:
“No person, firm, company, association, or corporation shall construct, install, establish, or operate a radio transmitting station, or a radio receiving station used for commercial purposes, or a radio broadcasting station, without having first obtained a franchise therefor from the Congress of the Philippines.”
“Immediately executory” daw iyon ayon sa Justice Secretary na si Menardo Guevarra ngunit “still appealable to the courts.”
Pero kinukuwestiyon ng tweet ni Raffy Tima, prodyuser at presenter sa GMA Network, ang dating posisyon o oposisyon ng Department of Justice (DOJ): “NTC orders ABS-CBN to cease and desist operation in contradiction to the DOJ opinion that they can continue to operate while franchise renewal is ongoing.”
Malaya raw ang ABS-CBN, sabi ng Presidential Spokesperson na si Harry Roque para gawin ang lahat ng “legal remedies available.”
At saka siya nagpasalamat sa ABS-CBN para sa serbisyo nito sa mga bansa at mamamayang Filipino sa panahong ito ng COVID-19.
Para sa Malacañang, simple lamang.
Nangyari ito sapagkat ang ABS-CBN ay walang “valid franchise.”
Payak ba itong nasa kalagitnaan tayo ng krisis?
Paano naman kaya ang nasa 11,000 empleyadong mawawalan ng trabahong gusto nila? At mawawalan din ng suweldong kailangan nila?
Wala pa rito ang advertising, car rental, catering, lights and sound, talent management, at ang iba pang indibiduwal at institusyong may kaugnayan, halimbawa, sa Ang Probinsyano at iba’t ibang palabas na itinuturing na “kamag-anak” ng milyon-milyong Filipino.
Kakatwang naganap ang pagsasara ng ABS-CBN noong World Hand Hygiene Day.
Animo’y naghugas ang karamihan ng kanilang kamay gamit ang luhang bumaha sa huling gabi ng live telecast ng TV Patrol, ang prime-time newscast ng Kapamilya network.
Malungkot na namaalam sila na kinatawan ni Noli de Castro:
“Karamay sa panahon ng mga kalamidad at paghihirap. Kasabay namin kayo sa pagluha sa mga teleserye. Kasama namin kayo na ipinagbunyi ang tagumpay ang ating mga bayani, mga ordinaryong tao na nakagawa ng imposible. Sabay din nating pinanood na mabuo ang kasaysayan sa pamamagitan ng TV Patrol at iba pang news and current affairs program.”
Napatda ang buong Filipinas sa kanilang tungkulin: “Isa pong karangalan na maging tagapaglahad ng inyong mga kuwento at tagabantay sa mga nasa kapangyarihan. Karangalan po namin na maglingkod sa inyo, Kabayan.”
Tumatango ang bawat isa sa kaniyang buwelta:
“Hindi man na-renew ang aming prangkisa at pinatitigil ang ating broadcast, nangangako kami sa inyo hindi kami mananahimik sa pag-atakeng ito sa ating demokrasya at sa malayang pamamahayag.”
Kagat-labi ang mga di-makapaniwala: “Sa harap po ng malaking dagok at hamon sa aming kumpanya at sa aming mga hanapbuhay, hinding-hindi namin kayo tatalikuran, Kabayan.”
Bagamat ang iba sa mga nanonood ay Kapuso o Kapatid, hindi maiwasan ng karamihang magdalamhati: “Mga Kapamilya kami. Tayo ang ABS-CBN. In the service of the Filipino saan man sila naroroon sa buong mundo.”
Isang Kapamilya sa loob ng 20 taon, si Karen Davila, ay lumingon nang huling pinatigil ang operasyon ng Kapamilya network noong 21 Setyembre 1972, nang ideklara ang batas militar ng dating diktador at Pangulong Ferdinand Marcos.
Makalipas ang 48 taon, sinisikil daw muli ang press freedom.
Noong araw ding iyon, nagsilabasan ang balita tungkol dito mula pa sa ibang bansa.
Sa Leading Philippine Broadcaster, Target of Duterte’s Ire, Forced Off the Air ni Jason Gutierrez ng The New York Times, nagpahiwatig na ang masusing dokumentasyon ng ABS-CBN sa gera laban sa droga ni Presidente Duterte ang dahilan kung bakit mainit na target ito ng administrasyon.
Binalikan nito ang pakiusap ng mga kongresista sa NTC na mag-isyu ng pansamantalang permit habang pinagdedebatehan pa ang prangkisa ng ABS-CBN sa Kongreso pero pinigilan ang NTC ni Solicitor General Jose Calida na siya ring lumapit sa Korte Suprema para bawiin ang prangkisa ng ABS-CBN at ABS-CBN Convergence na diumano’y ilegal na nagpapatakbo ng isang pay-per-view channel sapagkat ito raw ay may “elaborately crafted corporate veil” sa pagkakaroon ng mga banyagang investor bilang may-ari.
Matatandaang inakusahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang ABS-CBN na may kinikilingan dahil daw hindi nito ipinalabas ang kaniyang kampanyang politikal para sa halalang pampangulo noong 2016.
Humingi ng paumanhin ang ABS-CBN President at Chief Executive Officer na si Carlo sa isang pagdinig sa Senado noong Pebrero sa pagsasabing: “That was not the intention of the network.”
Kung ito nga ang dahilan, hindi pa rin ba napapatawad ang ABS-CBN?
Iba ang ibig sabihin ng editor na si Philip Lustre:
“But the Lopezes would not agree to negotiate with Duterte’s chosen entrepreneur. Not with Dennis Uy, the overextended Davao City-based businessman, whose business empire is feared to collapse anytime because of the inordinate rise of his firms’ debt-equity ratio. He does not have the money to strike a megabuck deal to meet the Lopezes’ asking price. Not to dubious Apollo Quiboloy, who faces accusations of dollar smuggling in the U.S., or the Villars, who have no passion for media business.”
Kinabukasan, Mayo 6, sa COVID-19 Pandemic: The ABS-CBN Special Coverage, ang binubuntunan ng sisi ni Rep. Lito Atienza ay walang iba kundi si Speaker Allan Peter Cayetano: “Kasalanan namin ito, kasalanan ng Kongreso ito. But, more important, I’d like to say, squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan. He will have a lot to explain one day. It may not be today but later on this issue will hound him because he is the one who did not do his job.”
Kung titingnan ang online record ng House of Representatives, makikitang may isang panukalang-batas tungkol dito ang naka-file na noon pang 16th Congress (HB04997); dalawa noong 17th Congress (HB04349 at HB08163); at 12 para sa kasalukuyang Kongreso.
Ang ipinagtataka ni Rep. Eric Go Yap ng ACT-CIS Partylist ay kung bakit hindi pa naaprubahan ang aplikasyon ng ABS-CBN noong 2014 kung kailan si Presidente Benigno Aquino III na ang bunsong kapatid na si Kris Aquino ay nasa ABS-CBN pa.
Ito rin ang saloobing sinabi sa Inquirer.net ng Senate President na si Vicente Sotto III: “Ang tagal na nito di ba — 16th Congress, 17th Congress, 18th Congress.”
At ito nga ang ginawa ni Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez na nag-file agad ng bagong panukala upang pagkalooban ang ABS-CBN ng isang “provisional franchise” hanggang 30 Hunyo 2022, o bago magsara ang 18th Congress.
Dalawang linggo ang kailangan para maaprubahan ito sa Senado, sang-ayon kay Senator Sonny Angara, makaraang ipasa ito sa Kongreso.
Inaala rin ng senador ang epekto ng paglaho sa ere ng ABS-CBN sa lusog-isip ng mga manonood.
Noon pa man, inamin ng NTC susundin nito hindi lamang ang payo ng Senado’t Kongreso kundi ng Department of Justice (DOJ) “based on equity.”
Nakunan ito ng ABS-CBN correspondent na si Jeff Canoy — na nakasungkit ng Unang Gantimpala sa kategoryang English Essay sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2019 para sa kaniyang karanasan sa limang-buwang pakikipamuhay sa Mindanao na pinamagatang Buhay Pa Kami (We Are Still Alive): Dispatches from Marawi na para talaga sa ABS-CBN News Digital.
Nakuha pa niyang mag-tweet ng mga eksena sa newsroom sa likod ng camera.
Inilarawan pa niya si G. Katigbak nang ipalabas ang Pambansang Awit bago nag-off air ang estasyon.
Nakasuot daw ng face mask ang kanilang boss na nanatili sa newsroom pagkatapos niyang humarap sa TV Patrol para sa kaniyang official statement.
Walang magawa ang lahat kundi magpalakpakan.
“Iiyak natin ngayong gabi,” anang reporter, “Bukas may laban pa. Di tayo pasisiil.”
Pilit nagpapakatatag sa gitna ng iyakan sa newsroom ang ABS-CBN News Chief na si Ging Reyes: “H’wag kayong umiyak, baka mahawa ‘ko. We prepared for this. Papasok tayo bukas.”
Noong Mayo 8, mas dumami pa ang mga manonood ng ABS-CBN sa facebook,
iWant, news.abs-cbn.com, Radio Service App, Skycable Channel 6, The Filipino Channel (TFC), TV Plus Channel 5, at iba pang plataporma.
Sa youtube, humigit-kumulang 9.16M ang subscriber ng ABS-CBN News pa lamang.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera