HINDI ko masisisi si Coco Martin sa kanyang mga sinabi, bagama’t kung susuriing mabuti ay medyo lihis nga sa issue, dahil talagang nabago ang kanyang buhay dahil sa ABS-CBN. Isipin ninyo ang pinagmulan din ng buhay ni Coco. Nanggaling iyan sa GMA 7, pero hindi nabigyan ng break talaga. Nauwi siya sa paggawa ng mga gay indie film na talaga namang naghubo’t hubad siya, hindi pa rin siya yumaman.
Nang mapunta sa ABS-CBN, nabigyan ng break, at doon na nagsimulang guminhawa ang buhay. Aba sa ngayon, baka nga masasabing mas mayaman si Coco kaysa maraming mga congressmen at mga senador diyan. Mas mayaman si Coco kaysa roon sa mga commissioner ng NTC. Kaya hindi ninyo siya masisisi kung ganoon katindi ang galit niya nang ipasara ang ABS-CBN.
Pero ang sa amin naman ay ganito. Hindi maiiwasan na mangibabaw ang emosyon, pero paghupa ng emosyon, ano dapat ang kalabasan? Hindi namin sinasabing tama ang naging pagpapasara sa ABS-CBN, pero iyan ay isang usaping legal. Hindi puwedeng emosyon ang umiral. Ano man ang sabihin natin, kahit na gaano pa katindi ang panggigigil natin, mangingibabaw pa rin ang katuwirang legal.
Ang dapat na pagtalakay sa problemang iyan ay legal. Sinasabing mali ang ginawa ng NTC, ‘di humingi nga ng legal relief sa korte na ginawa na naman nila. Sinasabing ang mali ay ang mababang kapulungan ng kongreso na inupuan ang franchise, aba iyon ang habulin nila. Hindi tayo dapat na pagbigla-bigla sa mga bagay na ganyan. Ok lang kung sa Facebook o sa social media lang, kalat naman ang fake news diyan, at sanay naman ang tao na kung ano-ano lang ang lumalabas sa social media. Pero sinasabi nga namin na kaming nasa lehitimong diyaryo, dapat lehitimo rin ang pagtalakay sa issue.
Kagaya ng sinasabi namin, hindi namin masisisi kung emotional si Coco. Kagaya rin naman na sinasabi naming hindi namin masisisi ang mga kagaya ng dating radio anchor nilang si Joebert Sucaldito, at dating reporter at news producer na si Izza Reniva Cruz. May kanya-kanyang opinion, pero sa problema ngayon talakayin lang natin kung ano ang legal.
HATAWAN
ni Ed de Leon