SOBRANG nalungkot si Ogie Diaz sa pagsasara ng ABS-CBN noong Martes ng gabi sa utos na rin ng National Telecommunications Commissions (NTC). Sa Kapamilya Network kasi siya nagtatrabaho, at ang mga alaga niya ay talents din nito at isa rito si Liza Soberano.
Sa kanyang Facebook post, pinasalamatan ni Ogie ang lahat ng nagmamahal sa estasyong kinabibilangan niya. Sabi niya, “Maraming salamat sa lahat ng nagmamahal sa ABS-CBN. Lalaban pa po tayo. Isama n’yo sa dasal ang ating network na bahagi na ng pamilyang Filipino.”
Sa isa pa niyang Facebook post ay pinasaringan naman niya ang ilan sa mga natutuwa sa pagsasara ng ABS-CBN. Sabi niya, “Sa mga nagsasaya, kumusta? Guminhawa ba ang buhay nyo? Ikinayaman nyo ba?
“Ikinagaan ba ng pakiramdam n’yo na may eleven thousand employees ang nawalan ng trabaho at pati pamilya nila, damay sa kaadikan mong magsara na ang estasyon.
“Pwede na ba kayong magsaya sa kalsada dahil biglang hindi nyo na naramdamang may pandemic pala?
“Makakakuha na ba kayo ng ekstrang ayuda kasi nagpaalam na ang ABS-CBN? Meron pa ba o ubos na? Kung ubos na, me aabangan pa bang ayuda?
“Kumusta yung relief operations? Araw-araw ba, me dadaan nang sasakyan sa tapat ng bahay nyo para bigyan kayo ng relief goods? Sana nga, no?
“Dahil kayo yung yes to shutdown, ano feeling nyo, bababaan na kayo ng contribution sa Philhealth at yung no to shutdown lang ang tataasan ang singil?
“Dahil gusto nyo yan, ano na? Aatras na ba ang China sa pag-angkin ng pag-aari ng Pinas?
Hihinto na ba ang POGO kasi wala nang ABS-CBN?
“Ay, siya nga pala, sana, kayong mga nagsasaya sa pagsasara ng ABS-CBN ay mahatiran din ng tulong POGO. O maipasok man lang doon ng trabaho kasi ikaw na nagsasaya ngayon, nganga din.
“Sana, mangyari lahat yan sa buhay nyo o sa bansa natin para naman may silbi sa inyo ang pagsasara ng ABS-CBN.
“Happy ka na?
“Pag naganap lahat yan in one year, balikan mo ako. Kasi iko-congratulate kita, dahil tama ang dasal mong i-shutdown ang ABS-CBN.”
MA AT PA
ni Rommel Placente