SA panahong ito, isa sa pinakabugbog na frontliner ay iyong chairman ng barangay. Biglang lumaki ang kanilang role, lumawak ang responsibilidad, at dahil diyan kadalasan sila pa ang nasisisi kung may pagkukulang na hindi naman nila kasalanan. Iyong mga barangay chairman ngayon, sila pa ang napagbibintangang nangungipit kung kakaunti ang relief goods, samantalang ang ibinibigay nila ay inaagaw lang nila ang budget mula sa ibang proyekto ng barangay.
Iyang mga problemang iyan ang nararanasan ngayon ni Angelika dela Cruz na chairman ng barangay Longos sa Malabon. Kung hindi ba naman kasi eh, ang sarap ang buhay ng artista, bakit naisipan pa niyang maging barangay chairman.
Pero ok naman siya, dahil bukod sa kanilang mga relief operation, nakatatanggap pa siya ng tulong mula sa mga kasamahan niyang artista. Isa nga sa nabanggit ay ang ipinatayong tent ni Angel Locsin sa kanyang barangay para maging quarters ng mga frontliner.
Pero ang natawa kaming karanasan niya ay iyong may nagreklamong may gumagala raw na “tiktik”. Sa mga kuwentong Filipino iyan ay “aswang,” na nakita umano sa bubungan ng isang bahay na may nakatirang buntis. Iyang “tiktik” pinaniniwalaan iyan ng mga matatanda noong araw. Kaya nga basta buntis kailangan daw may katabing gunting sa pagtulog, at kung may parang sinulid na makita, putulin agad iyon dahil iyon ay “dila ng tiktik.”
Pero iyan ay kuwento-kuwento lamang, pero kung barangay chairman ka, at may magreklamo sa iyong may nakita silang tiktik at hindi mo inaksiyonan, sasabihin pa sa iyo mahinang klase ka. Ang sabi naman ni Angelika, naipaliwanag naman niya na iyang tiktik, kuwento nga lamang.
HATAWAN
ni Ed de Leon