IPINAG-UTOS ni Taguig City Mayor Lino Cayetano sa Taguig Scholarship Office at sa Barangay Affairs Office na ipamahagi ang P5,000 Special Emergency Assistance to Scholars (SEAS) simula 20 Abril 2020 upang matulungan ang mga scholar at ang kanilang mga pamilya sa gitna ng ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa pananalasa ng pandemikong COVID-19.
Ang SEAS ang magko-cover ng halos 25,000 scholars na nasa ilalim ng City Scholarship Programs katulad ng Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship Program, Taguig City University (TCU) Educational Assistance Allowance, at ang Taguig Learners Certificate (TLC) Scholarship Program.
“Ito ay isa pang aktibong hakbang upang palawakin ang tulong na ipinapamahagi sa aming mga residente,” sabi ni Mayor Lino Cayetano.
“Sa pagdisenyo ng support program na nakapalibot sa ating mga scholar, pinatitibay nito ang aming pangako tungo sa kapakanan ng mga kabataan kahit sa gitna ng malubhang mahirap na panahon.”
Ang cash assistance na ito ay lubos na makatutulong sa pamilya ng mga scholar, o hanggang sa 125,000 katao. Ang nasabing relief fund ay ninanais na makatulong sa mga pamilya ng scholars at sa diwa ng bayanihan, palawigin ang tulong sa mga taong nangangailangan din.
Ang nabanggit na cash assistance ay bukod pa sa ibang relief programs ng Taguig, katulad ng assistance para sa mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan, “stay-at-home” food and nonfood packs, at ang anti-COVID kits.
“Ang lungsod ng Taguig ay kilala sa ating bansa sa pagtulong sa mga mag-aaral na makamit ang kanilang mga pangarap. Gusto namin siguraduhin ang pagmamahal sa pag-aaral ay nababanat kahit sa gitna ng krisis,” dagdag ni mayor.
Mula nang mag-umpisa ito noong 2011, sa pamamagitan ng pagpupunyagi ng dating Senador at ngayo’y House Speaker Alan Peter Cayetano at dating Taguig City Mayor at ngayo’y Congresswoman Lani Cayetano, ang komprehensibong scholarship program ng lungsod ng Taguig ay napakinabangan ng 55,000 scholars sa higit sa 200 kolehiyo at unibersidad.
Higit sa 8,000 scholars na ang nakakuha ng degrees kasama rito ang 25 na doctorate degree at 328 na mayroong masters degree. Kabilang sa mga nakakamit ng degree ay 2,691 lisensiyadong propesyonal na binubuo ng engineers, teachers, nurses, accountants, psychometricians, criminologists, lawyers, architects and medical doctors.