NANANAWAGAN si Angel Locsin sa mga may kakayahan at mabubuting kalooban na baka maaari silang makapagbigay ng beddings para sa mga frontliner na kailangang matulog sa mga tent malapit sa kanilang pinapasukang ospital. Siksikan na kasi sa ospital at para ma-maintain ang social distance, kailangan sa kanila na may matulog sa mga itinayong tents.
Marami naman kasi sa kanila na hindi na talaga nakauuwi, dahil kung gagawin nila iyon baka hindi na sila makabalik sa kanilang trabaho. Kulang din naman ang inilaang sasakyan para sa kanila, at hindi naman lahat niyang mga hospital workers ay may kakayahang magkaroon ng sarili nilang sasakyan, lalo na nga iyong mga nasa pribadong ospital na hindi naman ganoon kalaki ang kita.
May mga bedding namang dumating, pero kulang pa rin iyon sa rami ng mga frontliner nating hindi makauwi at wala namang ibang mapupuntahan. Kung uuwi ang mga iyan, magkukulang ng workers lalo na sa mga ospital.
Ganoon din naman iyong mga pulis at sundalo na nakabantay sa mga checkpoint, natutulog na lang sila sa mga karton na kanilang nahihingi. Hindi lang delikado dahil exposed sila sa elements, mas lalo silang magkakasakit niyan.
Maraming pangangailangan ang mga frontliner na hindi naman maibigay ng gobyerno agad gusto man nila, kaya ang pag-asa na lamang nila ay iyong mga taong kagaya nga ni Angel na maaalalang tulungan din sila. Pero hindi naman bilyonaryo si Angel para akuin ang lahat ng gastos na iyon. Kaya naman kumakatok siya sa puso ng mga may mabubuting kalooban na baka puwedeng tumulong.
Eh bakit nga ba hindi pabayaan ang mga ahensiya ng gobyerno na gumawa niyan? Ang sagot diyan ay simple, hindi nila kaya. Kailangan na nila ng tulong.
HATAWAN
ni Ed de Leon