NUJP nangamba sa seguridad… Red-tagging sa media kinompirma ni Panelo
IDINEPENSA ng Palasyo ang militar sa pagdawit sa ilang kagawad ng media na kritikal sa administrasyong Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF) o red-tagging sa mga mamamahayag.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaaring may nakitang sapat na basehan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa red-tagging sa hanay ng media.
“Alam mo ‘yung AFP, ‘yung in-charge riyan, hindi naman basta nagsususpetsa ‘yun kung walang basehan. ‘Pag ikaw ay sinabing kumikiling sa kaliwa at mayroon kang sinasabi laban sa gobyerno, ibig sabihin mayroon silang basehan, may ebidensiya sila na ‘yun nga ang ginagawa mo,” ani Panelo.
Wala aniyang dapat ikabahala ang mga kagawad ng media kung maiugnay man sila sa makakaliwang grupo kung wala naman ginagawang masama laban sa pamahalaan.
Wala aniyang paki-alam at hindi pinapansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pambabatikos sa kanya.
“Alam mo, kung wala kang ginagawa hindi ka dapat matakot. Nakita mo naman si Presidente, kahit anong criticize mo sa kanya hindi naman niya pinapansin,” sabi ni Panelo.
Ang pahayag ni Panelo ay taliwas sa mga aksiyon ni Pangulong Duterte gaya ng pag-ban sa Malacañang sa Rappler nang hindi magustuhan ang ilang artikulong kritikal sa kanyang administrasyon at pagbabantang ipasara ang ABS-CBN matapos iere ang isang political advertisement laban sa kanya at hindi pagsasahimpapawid nang buo ng binayaran niyang campaign advertisement noong 2016 presidential elections.
Batay sa kalatas ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), isang bayarang tricycle driver ang namahagi ng mga polyeto na nag-uugnay sa kanilang grupo at ibang mamamahayag sa CPP-NPA-NDFP matapos ang candle-lighting ceremony sa harap ng ABS-CBN Northern Mindanao Station sa Cagayan de Oro City noong nakalipas na Biyernes.
“The pamphlets were handed over to journalists who attended the protest action in support of ABS-CBN by a tricycle driver who said he was hired and paid P200 by two men and instructed to give the pamphlets to the journalists gathered at the ABS-CBN station,” anang NUJP.
Kabilang sa iniugnay sa komunistang grupo sina Nonoy Espina (NUJP National Chairman), Inday Espina-Varona, Froilan Gallardo, photojournalist Joey Nacalaban, Pam Orias (NUJP CDO chairperson), Cong Corrales, Renwynx ‘Don’ Morgado, at Loi Algarme.
Binansagan din ang Radio Station Radyo ni Juan bilang ‘communist radio station’ sa mga polyeto.
“Yesterday’s incident comes in the wake of similar incidents since 2018 which accuses the NUJP and the journalists named above, along with activists, lawyers, members of the academe, and church leaders of being communists and/or supporters of the CPP/NPA/NDF,” sabi ng NUJP. (R. NOVENARIO)