MASAYA ang award-winning young actor na si Miggs Cuaderno sa mataas na ratings ng kanilang seryeng Prima Donnas na tinatampukan nina Aiko Melendez, Wendell Ramos, Katrina Halili, Chanda Romero, Benjie Paras, Jillian Ward, Althea Ablan, Sofia Pablo, at iba pa.
Wika ni Miggs, “Masaya po ako na napabilang sa mataas na ratings na afternoon prime teleserye na Prima Donnas.”
Pahabol pa niya, “Ang role ko po rito ay si Coco, kasama po ako ni Brianna na nang-aapi kay Mayi na si Jillian.”
Sa tingin niya, bakit patok sa viewers ang Prima Donnas? “Inaabangan po ito ng viewers dahil hindi nila malaman o masabi kung ano mangyayari sa serye. Kumbaga, hindi po siya predictable, kaya po lalong nagagalit mga nanonood sa nangyayari kay Mayi.
“Marami pong dapat abangan ang viewers na mga exciting na eksena rito, sa mga magaganap po sa Prima Donnas lalo na kay Mayi, kina Lilian (Katrina) pati po kay Kendra (Aiko), madami pa po siyang masamang balak para guluhin ang buhay nila Lilian at Mayi.”
Nabanggit pa ni Miggs na mahirap ang papel niya rito bilang bad na bading. “Opo mahirap, kasi bading na sosyal at salbahe po. Pero sabi po ng mga nakakausap naming senior actor like ni kuya Mon Confiado, mas maganda ang challenging role dahil makikita kung mahusay kang actor talaga.”
Bukod sa teleserye niya sa Kapuso Network, si Miggs ay mapapanood din very soon sa mga pelikulang Mga Kaibigan ni Mama Susan, starring Joshua Garcia, at In The Name of The Mother na tinatampukan ni Snooky Serna.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio