NAKAASINTA na ang isasagawang Panrehiyong Seminar sa Korespondensiya Opisyal (PSKO) ng Komisyon sa Wikang Filipino sa buong Rehiyon 9 na mangyayari sa Dapitan City Resort Hotel and Pavilion, Lungsod Dapitan, Zamboanga del Norte mula 26–27 Pebrero 2020.
Higit 150 kawani ng pamahalaan ang dadalo sa dalawang araw na pagsasanay sa paggamit ng wastong Filipino at pagsulat ng mga opisyal na korespondensiya.
Kabilang sa mga tatalakaying paksa ang Ortograpiyang Pambansa (OP), Korespondensiya Opisyal (KO), at pagsasalin para sa mga empleado ng pamahalaan.
Pangungunahan nina Akting Tagapangulo ng KWF Arthur P. Casanova at Alkalde Rosalina G. Jaloslos ang programa sa unang araw.
Pagtalima ito sa EO 335 na humihimok sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko.
Itinataguyod ito ng KWF sa tulong ng DILG, Western Mindanao State University, at Jose Rizal Memorial State University.
Kinikilala ng KWF taon-taon ang mga huwarang ahensiyang gumagamit ng Filipino sa pamamagitan ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko.
Ilan sa mga LGU na pinagkalooban nito ang Lungsod Taguig, Lungsod Mandaluyong, Lungsod Maynila, at Lungsod Santo Rosa.
Para sa mga nais magsagawa ng PSKO sa kanilang pook o ahensiya, maaaring magpadala ng email sa [email protected].